Home OPINION DR. MERCADO,INAASAHANG MAS PALALAWAKIN AT PATATATAGIN IMPLEMENTASYON NG UHC

DR. MERCADO,INAASAHANG MAS PALALAWAKIN AT PATATATAGIN IMPLEMENTASYON NG UHC

1
0

ISANG bagong yugto ang haharapin ng Department of Health (DOH) matapos italaga ni Pangulong
Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) acting president at
chief executive officer Dr. Edwin Mercado bilang bagong kalihim ng kagawaran.

Inanunsyo ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nitong August 10, 2026 ang
appointment ni Dr. Mercado. Pumalit siya kay Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr., na nagbitiw sa tungkulin nang
wala pang isang buwan sa DOH dahil umano sa kaniyang kalusugan. Ang maikling pananatili ni Dr.
Pujalte sa pwesto ay sinabayan din ng reklamong iniakyat mula Presidential Complaint Center patungo
sa Office of the Ombudsman na may kaugnayan umano sa procurement ng tuberculosis-related supplies
at iba pang usapin.

Itinalaga naman ng Pangulo si Dr. Beverly Lorraine Ho, kasalukuyang chief health officer ng Ayala
Healthcare Holdings Inc. at dating mataas na opisyal ng DOH, bilang bagong PhilHealth PCEO upang
palitan si Dr. Mercado.

Malawak na Karanasan sa Health Sector at UHC

Hindi baguhan sa health sector si Dr. Mercado. Bago siya napunta sa PhilHealth, nagsilbi siyang medical
director ng Daniel O. Mercado Medical Center mula 1998 hanggang 2000 at naging president at CEO ng
iba't ibang ospital mula 2000 hanggang 2016.

Mayroon din siyang malawak na karanasan sa health-system development at Universal Health Care
(UHC). Naging consultant siya ng Asian Development Bank at Zuellig Family Foundation, bukod sa
pagiging bahagi ng Strategic Advisory Group ng DOH para sa pagpapatupad ng UHC.

Nagtapos siya ng Doctor of Medicine sa University of the Philippines Manila, kumuha ng master’s degree
sa Hospital Administration sa University of North Carolina at Chapel Hill, at nagtapos ng Master of
Medical Sciences in Global Health Delivery sa Harvard Medical School. Dahil dito, ang kaniyang bagong
assignment sa DOH ay hindi lamang nakabatay sa pagiging isang doktor kundi sa kombinasyon ng
clinical experience, hospital administration, health financing, at policy development.

Positibong Pagtanggap at mga Hamon sa Bagong Tungkulin

Positibo ang unang pagtanggap ng ilang bahagi ng health sector, mga mambabatas, at mga grupo tulad
ng Philippine Orthopaedic Association sa appointment ni Dr. Mercado.

Gayunman, may mga obserbasyon din mula sa public-health community na ang pagiging mahusay na
doktor at hospital administrator ay kailangang sabayan ng matibay na public-health leadership. Sa pag-
upo ni Dr. Mercado, kabilang sa pinakamalalaking hamon ang pagpapatuloy ng UHC, pagpapababa ng
out-of-pocket expenses ng mga pamilya, pagpapalakas ng public hospitals, primary healthcare,
preventive medicine, at mas mahusay na koordinasyon sa PhilHealth.

Ayon kay Usec. Castro, inaasahan ng Pangulo na bibigyang-prayoridad ni Dr. Mercado ang kalusugan at
kapakanan ng mga Pilipino. Kung magagamit niya ang kaniyang malawak na karanasan sa health
financing, hospital management, at digital transformation, malaki ang posibilidad na mas maramdaman
ng ordinaryong Pilipino ang aktuwal na halaga ng serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here