Home NATIONWIDE Nagsisingit ng pondo sa national budget, papangalanan sa susunod na GAA –...

Nagsisingit ng pondo sa national budget, papangalanan sa susunod na GAA – Lacson

271
0

MANILA, Philippines – Mahigpit na iginiit ni Senador Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkoles na isapubliko ang lahat ng pangalan ng mambabatas, senador man o kongresista na nagpanukala ng mga pag-amyenda o nagsingit ng pondo sa panukalang batas sa badyet.

Kasabay nito, nanawagan naman si Senador Alan Peter Cayetano ng isang pambansang panalangin upang magamit nang tama at walang anomalya ang halos P7 trilyong badyet sa 2026.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na ganito ang tunay na transparency kahit gaano kakumplikadoat katagal ang deliberasyon, bukod sa live stream sa budget process sa bicameral conference committee.

Nababago ang pambansang badyet dahil nagagawa ng sinumang mambabatas na magsingit na kani-kanilang proyekto sa bicameral conference committee, ang pinagsanib na komite ng Kamara at Senado na hihimay sa pinal na bersiyon ng badyet.

Iginiit ni Lacson, na mahigpit na tagabantay ng kaban ng bayan, na sa ganitong paraan lamang mapapanagot ang mga nagpanukala ng pag-amyenda o pagsingit sa mga proyekto gaya ng flood control na substandard o guniguni.

Kung hindi, iginiit niya na hindi makakamit ng Senate Concurrent Resolution No. 4, na tinalakay nitong Martes, ang layunin nitong tiyakin ang transparency sa talakayan ng 2026 budget.

“To truly ensure transparency in the national budget process, the identities of individual proponents of amendments aka insertions must also be made public, so they may be made answerable for substandard or ghost projects that they proposed in the crafting of the GAA. Otherwise, Senate Concurrent Resolution no. 4 will defeat its purpose,” aniya.

Noong Martes, binigyang-diin ni Lacson ang puntong ito sa kanyang interpelasyon ng Senate Concurrent Resolution No. 4.

“We have to be able to identify sino ang proponent/s ng amendments. Can we do that? We are for full transparency. The most genuine transparency is full transparency,” giit niya kay Senate finance committee chairman Sherwin Gatchalian, ang nag-sponsor ng resolusyon.

“Kung hindi rin full transparency, ayokong sabihing naglolokohan, pero hindi rin fully transparent. It will defeat the purpose. Because what we should identify, ang proponent kasi nandoon ang taguan. Pag di na-identify back to the proponent/s ng amendment/s, kanya-kanya tayong singitan na naman,” dagdag ni Lacson.

Ipinunto ito ni Lacson matapos malaman mula kay Gatchalian na hindi lahat ng dokumento ay maaaring i-upload sa website ng gobyerno sa ilalim ng concurrent resolution.

Bagaman sinabi ni Gatchalian na maaaring i-upload lamang ang committee report at hindi ang lahat ng amyenda upang maiwasan ang “complexity,” giit ni Lacson na mababalewala nito ang layunin ng resolusyon.

Dagdag ni Lacson, kung walang ganap na transparency, hindi na matutukoy kung sino ang proponent ng amyenda. Binanggit pa niya na kahit sa second reading sa Kamara, “may bulungan na” at hindi tinatalakay sa plenaryo ang mga amyenda.

“Ang hirap maghanap, mag-review sa budget deliberation, hirap na hirap kami ng staff namin pag naghahanap ako ng previous years’ budget napakahirap. Pero kung may record ako kanino galing ang amendment, mas madali hong maghanap ,” ani Lacson.

“It’s not really difficult if we want to do it… If we upload all the amendment, even amendments to the amendments to the amendments, hindi mahirap i-upload yan Mr. President, especially written amendments,” dagdag pa ni Lacson, at sinabing handa siyang tumulong kay Gatchalian upang maisakatuparan ito.

Kasabay nito, nanawagan ng panalangin si Cayetano para sa tamang paggamit ng halos P7-trilyong national budget dahil malaki aniya ang magiging epekto nito sa kinabukasan ng bansa.

Sa isang Facebook Live nitong August 12 matapos dumalo sa isang ceremonial signing sa Malacañang, sinabi ni Cayetano na isa ang budget sa pinakamahalagang batas na ipinapasa taon-taon.

“Almost P7 trillion [ang proposed budget for 2026]. So, kung tama ang itatanim [dito], napakaganda ng puno, napakaganda ng bunga,” aniya.

Hinimok niya ang publiko na ipanalangin na maging tama ang paglalaanan ng pondo ng mga mambabatas at ahensya ng gobyerno.

“If you’re praying for safety, peace and order, you’re praying for better educational facilities, you’re praying for kumonti yung baha… isang prayer request ko sa inyong lahat: na tama ang budgeting this year,” sabi ni Cayetano.

Dagdag pa niya, bukod sa maayos na budget, mahalaga rin ang tamang urban planning, maayos na implementasyon, at political will para magtagumpay ang mga programa.

“Part of my lesson is God has a plan, God has a purpose na mas importante sa plano natin. We always plan politically, economically, family-wise, social, what’s best for us. Pero ang Lord, meron siyang plano,” anang senador. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here