MARTES, nabundol ng van ng JRS ang pangalawa kong anak na nakasakay ng motorsiklo at sentrong tinamaan ang kaliwang binti at kaliwang bahagi ng motor ay humilapon sila ng kanyang sasakyan. Naganap ang pangyayari sa Sampaguita St., Pasong Putik bandang alas-8 ng umaga.
May humingi ng responde sa Quezon City rescue na dumating matapos ang halos kulang isang oras at isinugod ang aking anak sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital (Tala Hospital) sa North Caloocan.
Nilapatan ng lunas sa nasabing pagamutan subalit walang nagtungo agad-agad na imbestigador upang mag-imbestiga. Gayunman, mayroong spot report na kaagad na ginawa ang traffic sector 2 ang nakasasakop sa pinangyarihang lugar.
Bandang alas-2:45 ng hapon, nagtungo ang deputy commander ng Traffic Sector 2 na si PLt Hermogenes Portes Jr. sa ospital kasama ang isang imbestigador at ang driver ng van na nakabundol. Hindi ba dapat ay nasa tanggapan ng traffic ang driver at hindi kasama patungo sa ospital?
Sa halip na tulungan kung paano maisasampa ang kasong reckless imprudence resulting in serious physical injury with damage to property ay discouraging statement ang binibitiwan nitong si Portes at pilit na ginigipit kami na madaliin ang pagproduce ng mga papeles tulad ng medico legal report at iba pa na kailangang ihain sa prosecutor’s office sa loob ng 18 hours.
Iyan ay dahil hindi niya mapasuko ang biktima at asawa nito na iatras ang kaso. Maging ang inyong lingkod nang kausapin siya sa mobile phone ay pilit niya pinapahina ang loob na hindi tatanggapin ng piskalya ang reklamo.
At nang malaman niya na porsigido ang pamilya naming na magsampa ng kaso ay agad na siyang umalis ng ospital at ipinasa na sa ibang imbestigador ang pag-aasikaso ng kaso.
Hindi na raw niya maasikaso dahil may duty raw siya sa Camp Karingal. Talaga lang?
O nagtampo ka o baka ang kausap mo nagpapatulong sa iyo na huwag sumampa ang kaso? Kasi nga PERA na naging BATO pa?
Hindi kaya walang prangkisa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang JRS van at plano niyang i-“pong”? Baka nga!
Wala naman kaming plano na alamin pa kung may prangkisa o wala ang van basta okay na rehistrado sa Land Transportation Office.
Dapat kayang sumahod mula sa buwis ng mamamayan itong si Portes eh hindi naman maganda ang serbisyo niya sa mamamayan?
Ipasagot natin iyan sa acting district director ng Quezon City Police District na si PCol Melecio Buslig Jr.