TATLONG araw mula nang matalagang officer in charge ng Eastern Police District itong si PCol Villamor Tuliao, kaagad na nagpakitang gilas sa kanyang kakayahan itong miyembro ng Philippine National Police Academy class of 96 o Kaagapay.
Mabilis na ipinag-utos nito ang panghuhuli ng mga matitinik na salot sa lipunan at unang nasampulan nga itong dalawang drug suspek na naaresto sa buy-bust operation sa Pasig City.
Itong mga operatiba ng EPD Drug Enforcement Unit ay kaagad na nagsagawa ng drug operation sa Westbank Road, Barangay Rosario Pasig City kung saan nakumpiska ang 17.42 grams ng hinihinalang shabu na nakalagay sa apat na plastic sachet.
Sina alias Ace, 39 at alias Ed, 54, ay sinabing mga notorious na tulak sa kanilang lugar ay isinuplong ng kanilang mga kabarangay sa EPD-DEU kung kaya mabilis na humingi ng clearance kay Tuliao na nag-utos ng operasyon.
Nang maaresto sa buy-bust, kaagad na binasahan ng “Miranda Doctrine” ang dalawang suspek base sa utos ni Tuliao, na kilalang isang opisyal na tumitingin sa karapatan ng tao.
Iniimbentaryo kaagad ang mga nakumpiskang delito upang hindi magkaroon ng bulilyaso. Kaagad ring sinampahan ng kaso ang mga nahuling suspek na nakapiit ngayon sa Pasig City Police Station custodial facility.
Laking Tondo, kaya naman pagdating sa karanasan ay punong-puno ng pagkalinga at pagmamahal sa kanyang kapwa pero pagdating sa trabaho walang maipipintas dito dahil maayos siyang kausap.
Gayunman, isinaad nitong bagong hepe ng EPD na mas palalakasin pa ang mga operasyon ng pulisya laban sa mga iligal na droga at gawain at itong mga suspek ay pagbabayarin sa krimen na kanilang ginawa.