
GRABENG kahihiyan ang dinanas ng Bulacan Police Provincial Office noong nakaraang linggo makaraang tatlo sa mga operatiba nito — sina PMaj Armando Reyes, PSSg Anthony Ancheta, at PSMS Ronnie Galion — ang inaresto dahil sa armed robbery.
Ayon sa impormasyong nakarating sa Firing Line, isang negosyanteng taga-Balagtas ang biktima, at sangkot sa insidente ang P30 milyon halaga ng pera at mga gamit.
Batay sa iniulat ng media, ang tatlong pulis, na nakatalaga sa Malolos City, Hagonoy, at Santa Maria, ay pumunta sa bahay ng biktima kasama ang apat na iba at nagkunwaring makikiusap para sa tulong pinansyal. Pero kalaunan, nagsipagbunot umano ng baril ang mga suspek at puwersahang tinangay ang mga gamit ng biktima.
Hindi nakapagtatakang matindi ang galit ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, na gustong masibak agad ang tatlong pulis.
Nitong Biyernes, sumailalim na sa inquest proceedings ang tatlong pulis habang pinaghahanap pa ang apat nilang kasama.
Ayon sa kwento ng mga kaibigan ng aking kaibigan, ang isa raw sa mga pulis ay kababalik lang sa serbisyo dalawang linggo bago ang insidente, matapos pumabor dito ang resolusyon sa naunang kaso ng drug bust na kinasangkutan nito. Ang isa naman ay malapit nang magretiro.
Nakapagtataka kung paanong nagawang traydurin ng mga pulis na ito ang awtoridad na ipinagkatiwala sa kanila. At kung hindi pa sobrang kagulat-gulat ang krimeng ito, bineperipika ngayon ng mga imbestigador ang isang bagong impormasyon na ang isa raw sa mga police scalawags na ito ay nagbigay pa umano noon nang hindi permisadong security services sa biktima.
Sakaling mapatunayang totoo ang mga alegasyong ito, ang mga pulis na ito ay nagdulot ng kahihiyan sa pulisya, sa kani-kanilang pamilya, at sa probinsya ng Bulacan. Dapat na walang patawad ang hustisyang ilalapat laban sa kanila.
Hindi inaasahan kay Recto
ANG dating nakakakaba na paninindigan ni Finance Secretary Ralph Recto sa paggamit sa P89.9-bilyon unused subsidies ng PhilHealth para sa mga unprogrammed funds na ipinasa ng Kongreso, ngayon ay nakababaligtad-sikmura na.
Sinasabi ng mga kritiko na ginagamit daw ni Recto ang kanyang posisyon para isulong ang pansarili niyang interes — at may suspetsa akong posibleng totoo ito.
Inakusahan siya ni dating Finance Undersecretary Cielo Magno nang pagiging bahagi ng congressional crowd na nagsalaksak ng pork sa budget bago pa siya naitalaga para pamunuan ang DOF.
Kaya hindi rin malayong isipin na ginagamit niya ngayon ang kanyang posisyon para mailipat ang pondo ng PhilHealth sa mga unprogrammed allocations na ang makikinabang ay ang mismong mga mambabatas — lantarang conflict of interest.
Ang kahihinatnan nito ay walang pakundangang pambabalewala sa kalusugan at kapakanan ng milyon-milyong Pilipino — ng mga pinakanangangailangan sa atin: ang mga may sakit at mga matatanda.
Ang galawang ganito, ilang buwan bago ang midterm elections, ay umaalingasaw sa agenda na makahahakot ng political favors at mapunan ang pork barrels, hindi para sa responsableng paggamit sa pondo o sa pagkakaloob ng benepisyong karapat-dapat sa mga miyembro ng PhilHealth.
Higit pa rito ang inaasahan ng Firing Line kay Recto.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).