MAILAP pa rin ang hustisya para sa dalawang menor de edad na taga-Culion na umano’y sinaktan nina Mayor Virginia De Vera at mister na si Cesar sa loob ng isang presinto. Sa harap mismo ng mga pulis at ng mga magulang ng mga bata ito nangyari.
Ang ugat ng pangyayari ay dahil sa isang private group chat sa Messenger kung saan sinasabing binully raw ng mga biktima ang anak na babae ni Mayor De Vera.
Nangyari ang insidente noong 2018 at hanggang ngayon ay wala pa ring resolusyon ang hukuman ukol sa isinampang criminal complaint laban sa mga De Vera.
Naka-docket ang reklamo bilang Criminal Case No. CRN-2023-06 kung saan binabanggit dito ang paglabag ng mag-asawa sa Sec. 10, Par. (a) ng Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act” subalit nananatili itong nakabinbin sa Regional Trial Court ng Coron.
Ang nasabing batas ay ginawa upang protektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso at kalupitan pero tila hindi ito ang inaakto ng korte dahil mukhang ito pa ang nagpoprotekta sa mga nang-aabuso.
Mantakin n’yo, matapos maganap ang sinasabing pambubugbog ay ilang taon pa ang lumipas bago tuluyang ma-arraign ang mga akusado noong July 2023. Masyadong delayed yata.
Pero bago ito, kahit hindi pa raw nase-serve ng Culion Philippine National Police ang warrant of arrest kina Mayor Virginia at Mr. Cesar ay agad nang dumiretso ang dalawa sa RTC para magpiyansa at diretsong ipabasura ang kaso nila. Mabuti na lamang at hindi ito pinayagan.
Sinasabi rin na masyadong maraming na-cancel sa mga schedule hearing at makikita naman ito sa court records.
Parusa ito para sa mga bata dahil kinakailangan nilang magbiyahe mula Culion hanggang Coron via ferry at dalawang beses lang sa isang araw ang biyahe kaya may mga pagkakataon na dumarating sila sa Coron isang araw bago ang nakatakdang pagdinig subalit ipagpapaliban lamang pala ito. Papaano na ang panggastos nila sa pamasahe, pagkain, at tirahan sa Coron?
Masyadong maraming traumang inaaabot ang mga bata at puno na rin ang mga pasakit na nararanasan ng kanilang pamilya mula nang ipaglaban nila ang kanilang karapatan laban sa malalaking tao sa kanilang bayan.
Kung sino-sinong tao na rin daw ang nagsadya sa kanilang tahanan upang alukin sila ng pera, trabaho o di kaya’y negosyo para lamang umatras sila. Nakatanggap din daw sila ng pananakot. Pero hindi sila nagpapadala at nananatili silang matatag. Kahit magdildil sila ng asin ay hindi nila iuurong ang kaso laban sa mag-asawang De Vera.