NAKAPANGINGILABOT ang nangyari sa bangketa sa labas ng Atherton Place, kilala rin bilang JCRV Building, sa panulukan ng Tomas Morato at Roces Avenue sa Quezon City kung saan isang grade schooler ang nakahandusay sa lansangan, nanginginig, habang umaagos ang dugo mula sa kanyang ulo. Kasama ang isang kaklase sa Don Alejandro Roces Sr. Science-Technology High School, nasapol sila nang bumagsak na tipak ng semento na nabakbak mula sa ikaapat na palapag ng condominium.
Sa videos ng insidente na kumakalat online, makikita ang eksaktong bahagi ng nabakbak na semento. Nakababahala na ilang pulgada lang ang layo nito sa dalawang cell sites na ikinabit sa gilid ng isang balkonahe. Hindi ako engineer, pero kung ako ang tatanungin, maraming dapat na ipaliwanag ang building manager na nagbigay-permiso sa naturang installation.
Andoon na rin ang katanungan: ganoon ba ang standard practice ng mga nagkakabit ng cell sites? Kung ganoon nga, tatlong batang pauwi na mula sa eskwela ang muntikan na palang masawi sa pagkadurog. Maaaring sabihin ng mga kompanyang sangkot na ang nangyari ay isa lamang isolated incident — pero hinahamon sila ng Firing Line na suriing maigi ang kanilang installation protocols.
Walang inosenteng buhay ang dapat matuldukan dahil lang sa palpak na trabaho o kawalang pakundangan.
Henerasyon ng mga bully
Paulit-ulit na lang na ikinababahala ng Department of Education ang mga insidente ng bullying sa mga paaralan sa bansa, mas madalas pang nagte-trending bilang balita kaysa quarterly grading periods. At kapansin-pansin na ang mga kasong nababalita ay talaga namang nakagugulantang!
Siyempre pa, lahat tayo ay kundi man nakaranas ay nakasaksi ng aktuwal na bullying noong ating kabataan, pero nakabibigla na ang antas ng toxicity at karahasan sa buhay eskwela ng kasalukuyang Gen Alpha ay maikukumpara na sa kademonyohan.
Noong Abril 2025, dahil sa video ng isang batang babae na kinuyog ng kanyang mga kaklase sa loob ng classroom sa Bagong Silangan High School, kinailangan pa ni DepEd Secretary Sonny Angara na hingin ang tulong ng pulisya ng Quezon City, nabigyang-diin tuloy ang pagiging malala ng mga nasabing insidente.
Noong Hunyo, bilang pag-amin na may antas na ng ugaling kriminal ang mga kaso ng karahasang iniuugnay sa mga estudyante, isinama ni PNP Chief Nicolas Torre ang bullying sa mga pangunahing concerns para sa mga tumutugon sa 911 hotline. Pagsapit ng Hulyo, pinaigting naman ng DepEd ang pagpapatupad ng Anti-Bullying Act, inatasan ang lahat ng paaralan na magtatag ng kani-kanilang child protection committees na epektibong tutugon sa mga reklamo, lalo na pagdami ng mga kaso ng pisikal at cyberbullying.
Ngayon, wala pa man tayo sa kalahati ng Agosto pero nagsusulputan na naman ang mga bago at nakababahalang insidente: isang estudyante ang malubhang nasugatan sa Basilan mula sa pananakit ng kanyang mga kaklase; at — susmaryosep! — isang guro ang binaril ng sarili niyang estudyante dahil sa pagbabagsak sa kanya sa klase nito.
Maaaring wala akong research data, pero itataya ko ang sarili kong opinyon tungkol sa pinag-uugatan ng lahat ng ito. Bilang isang amang mapagmatyag, dalawang pangunahing bagay ang nakikita kong may kasalanan. Una, ang mga larong pinaglilibangan ng mga Gen Alphas. Ibig kong sabihin, hindi tulad ng mga inosenteng arcade na pambata noon kung saan mga lobo, bote, at barrel lang ang inaasinta, ngayon, nariyan ang kanilang hyper-realistic, gun-firing online games na nag-uutos sa kanilang tratuhin ang mga taong karakter bilang mga kaaway. Ang ganitong klase ng programming ay naghuhubog ng “kill-or-be-killed” mindset.
Ikalawa: ang mararahas na prank-heavy content sa TikTok at YouTube, na kadalasang ipinagtatanggol bilang “just content” o scripted. Gayunman, ang viral videos na ito ang nag-uudyok ng napakarahas na reaksyon mula sa mga tunay na tao na nanonood sa kanilang smart phones bilang libangan.
Simulan na lang kaya natin sa pagbabawal sa mga ito online. Iligtas natin ang ating mga anak.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.






