Home OPINION NAKAMAMATAY NA SAKRIPISYO NG PINOY SEAMEN

NAKAMAMATAY NA SAKRIPISYO NG PINOY SEAMEN

MAYA’T MAYA, may mga nanganganib na buhay ng Pinoy seamen na naglalakbay sa Red Sea, Gulf of Aden at Bab al-Mandab Strait na pawang nakaharap sa bansang Yemen.

Pinakahuling pangyayari ang pag-atake ng mga Houthi sa barkong Tutor na may Pinoy crew sa Red Sea.

Makaraan ang pag-atake, mabuting mabilis na naabandona ng mga crew ang barko na posibleng lulubog sa tama ng sea drone o missile ng mga Houthi.

Pero may pag-atake na pinakahuli sa Gulf of Aden at may tinamaang seaman na kritikal ang kalagayan ngayon.

Wala nga lang nakatitiyak kung Pinoy o ibang lahi ang tinamaan sa MV Verbena.

Nitong nakaraang Marso, dalawang Pinoy ang namatay makaraang patamaan ng missile ang barkong True Confidence sa Gulf of Aden.

Sa Yemen nanggagaling ang mga pag-atake sa mga barkong barkong dumaraong o nanggagaling o pag-aari ng Israel o barkong militar ng United States, United Kingdom at kaalyado ng mga ito.

Missile, drone at sea drone na may bomba ang gamit ng mga Houthi sa Yemen sa mga pag-atake.

At marami na ang mga barkong tinatamaan.

Rason ng mga Houthi, hangga’t hindi tumitigil ang paggiyera ng Israel sa mga Hamas sa Gaza Strip, patuloy nilang aatakehin ang nasabing mga uri ng mga barko.

Halos 37,000 na ang namamatay na Palestino sa Israel-Hamas war at iginaganti umano ng mga Houthi ang mga namamatay na Palestino.

Sa ganitong kalagayan na kasabwat ng US at UK ang Israel sa pagdurog sa mga Palestino at Hamas, hindi nga maaasahang titigil ang mga Houthi sa kanilang ginagawa.

Sa gitna ng lahat ng ito, naririyan pa rin ang Pinoy seamen na walang kinalaman sa giyera ngunit ipinupusta nila ang kanilang buhay hindi lang para sa sarili at pamilya nila kundi para na rin sa sambayanang Filipino na nakikinabang sa kanilang mga remittance o padala.

Mabuhay kayo, Pinoy seamen, sa inyong mga sakripisyo!