MANILA, Philippines – Nakakolekta na ng mahigit 10,000 litrong langis mula sa lumubog na MT Terranova sa pagpapatuloy na recovery operations sa Bataan.
Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na kabuuang 10,707 ang nakolektang langis sa patuloy na siphoning test.
Samantala, nagsagawa ang BRP Sindangan (MRRV-4407) ng oil sampling, sea surface surveillance at monitoring sa presensiya ng makapal na langis sa ground zero.
Ang kinontratang salvor, ang Harbor Star ay patuloy din ang hot tapping operations at siphoning test. Naglagay din ng boring machine at nagsimula ng hot tapping para sa final cargo oil tank.
Gumamit din ang Harbor Star ng dagdag na oil booster pump upang mapahusay ang siphoning pumps.
Pagtitiyak ng PCG na may ilang layer ng oil spill boom na patuloy binabago ang posisyon para walang makawalang langis mula sa pinaglubugan ng barko. Jocelyn Tabangcura-Domenden