Home OPINION NAKOLEKTANG ROAD USERS TAX, SAAN NAPUPUNTA?

NAKOLEKTANG ROAD USERS TAX, SAAN NAPUPUNTA?

MUKHANG maraming umalma sa naging pahayag ni Albay Rep. Joey Salceda na  52 porsyento ng nagmamay-ari ng kotse ay napabibilang sa pinakamayayaman.

Sa karamihan, mahirap intindihin kung ano ang nais ipakahulugan ni Salceda kung bakit niya nasabing kabilang sa pinakamayayaman ang mga may-ari ng kotse.

Subalit malinaw sa kanilang pagkakaintindi ay nais ng mambabatas na itaas ang binabayarang buwis ng mga nagmamay-ari ng mga sasakyan.

Matapos kasing ihirit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang nakaraang State of the Nation Address o SONA na ipasa ng kongreso ang pag-amiyenda sa Motor Vehicle Road User’s Tax (MVRUT), kaagad na inaprubahan ng House Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Salceda ang panukala o ang House Bill 376 na magtataas ng buwis sa binabayarang rehistro ang lahat ng mga nagmamay-ari ng sasakyan.

Wala raw kasing tumutol sa naturang panukala nang talakayin ito sa komite, kasama ang mga stakeholders, lalo na’t makatutulong ito sa paglikha ng pondo para sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Ang kaso, ang tiyak na mapahihirapan ay ang mga nagmamay-ari ng pribadong sasakyan dahil kapag naipasa ang naturang batas, dalawang sunod na taon magtataas ng babayarang buwis sa pagrerehistro ang lahat ng mga nagmamay-ari ng sasakyan.

Sa mga tunay na mayayaman, milyonaryo, at maging sa mga pulitikong hindi na naalis sa gobyerno, maaaring “chicken feed” lang ang itataas na buwis pero paano naman ang mga kumayod nang husto para lang makaipon ng pangdown payment sa bibilhing kotse o sports utility vehicle?

Maaaring wala na rin silang “choice” kung sakali at maipasa ang batas kundi ang maghanap ng karagdagang pambayad sa pamparehistro at pati pambayad sa kanilang kinuhang hulugang sasakyan.

Paliwanag pa ni Salceda, may kapangyarihan daw ang Pangulo ng Pilipinas na itaas kada taon ang buwis sa ilalim ng MVRUT pero mula noong taong 2014, isang beses pa lang daw itong naitataas kaya panahon na para amiyendahan ito para makalikom ng malaking pondo. Ang kaso, mukha yatang hindi naipaliwanag ng Kongreso kung saan ba napunta ang nakolektang salapi mula sa MVRUT mula noong ipasa ito bilang batas?