Home OPINION NALULUNOD SA BAHA, LUMULUTANG NA KATIWALIAN

NALULUNOD SA BAHA, LUMULUTANG NA KATIWALIAN

262
0

DAHIL sa iskandalong dulot ng mga peke at dispalinghadong flood control projects, napilitan si President Ferdinand Marcos Jr. na mag-utos ng ‘lifestyle check’ sa mga opisyal ng Department of Public Works and Highways.

Bilyon-bilyong piso na ang nilustay sa mga istrukturang gumuho sa unang buhos ng malakas na ulan, mga daluyan na hindi kailanman nahukay, at mga embankment na inabandona matapos nangalahati. Ngayon, nalulunod tayo — nang literal — sa korapsiyong pinatibay ng semento, pinalamanan, itinilad, at binayaran gamit ang ating buwis.

Bagamat maaaring sabihing matapang ang direktibang ito ni Marcos, pero huli na rin ang lahat dahil palala nang palala ang baha sa halos bawat sulok ng bansa. Okay, so, sa wakas ay nagawa na ng Pangulo na mapatalsik si DPWH Secretary Manuel Bonoan mula sa kanyang Gabinete, pero ano na ngayon ang susunod?

Maliban na lang kung lalaliman ng Presidente ang pagsilip sa buong ecosystem ng korapsiyon — mula sa mga kongresistang nagla-lobby at kumukubra, sa DPWH district engineers na hinahati-hati ang mga proyekto sa tig-P150-milyon upang manatiling kontrolado ang mga pagawain, hanggang sa regional engineers na may pinapahintulutang P400 milyon kada proyekto, at sa mga undersecretary na “nag-aasikaso” ng mga bilyon-bilyong piso na transaksyon — ang mga ito ay mananatiling ‘political stunt’ kaysa paglaban sa katiwalian.

Tama ang sinabi ni dating Bureau of Internal Revenue chief Kim Henares ilang taon na ang nakalipas: upang makorner ang mga tiwali, tugaygayan ang kanilang mga anak. Sa totoo lang, wala naman talagang menor de edad ang makakabili ng ‘Chanel bags’ na ang halaga ay katumbas ng 31-buwang sweldo ng isang manggagawa sa Metro Manila. Pero nariyan ang mga walang pakundangan — mga anak na babae ng mga contractor at anak na lalaki ng mga politiko — lantarang ipinagyayabang ang pagrampa suot ang mga mamahaling ‘designer clothes’ at pag-e-enjoy sa kani-kanilang biyahe sa Dubai o Europe sa kanilang mga post sa TikTok at Instagram.

Ang “nepo babies” na ito ay naging buhay na billboards ng pandarambong, ibinubunyag ng kanilang bonggang pamumuhay ang mga ayaw ideklara ng kanilang mga magulang sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng mga ito.

Hindi lang ito tungkol sa pagiging gahaman, isa itong sistematikong pagnanakaw, ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong. Matagal na niyang inilalarawan ang racket na ito sa DPWH, at kamakailan, idinetalye ang mga ito bilang ‘hierarchy’ ng “chop-chop”: paglikha ng district engineers ng mga proyektong mas mababa sa P150 milyon upang manipulahin ang bidding, ang pagkakaroon ng regional engineers ng P400 milyon sa kanilang disposal, at mga opisyal ng gobyerno na nakikipagsabwatan sa mga kongresistang umaakto bilang contractors at mambabatas. Isa iyong carousel ng self-dealing kung saan ang bawat padulas na kabayaran ay nagpalolobo sa halaga ng pagawain hanggang sa tuluyan nang masira o mapurnada ang proyekto.

Kita at ramdam naman ngayon ang resulta ng pagmamalupit na ‘yan. Nilamon ng baha ang mga bahay, natabunan ng mga gumuhong lupa ang mga buhay at pangarap, at ang mga kalsada ay naging dagat na dahil ang mga proyektong dapat na nagpoprotekta sana sa atin ay na-ghost ng korapsyon. Ang bawat komunidad na nilamon ng baha ay nagsisilbing resibo ng pagnanakaw; bawat pagkasawi sa panahon ng kalamidad ay dugo sa kamay ng mga nagsimot sa kaban ng bayan para magkaroon ng mga mamahaling condo, Hermes bags, at imported na mga sasakyan.

Tama lang ang galit ng mga nagbabayad ng buwis. Tama na ang “cosmetic lifestyle checks.” Kung seryoso talaga si Marcos, hayaan niyang masubaybayan ang nepo babies, ilantad ang pananagutan ng mga dinastiya, at litisin sila nang walang awa at konsiderasyon. Kung hindi, patuloy lang ang taumbayan sa pagkalunod sa baha habang pinapayagan ng gobyernong ito na malunod sa dagat-dagatan ng pera ang mga pinaka masahol na politiko at kanilang mga kaibigang contractor.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here