Home OPINION NANG NAGTAPON NG PERA SI CHAVIT, PINULOT NG MMDA

NANG NAGTAPON NG PERA SI CHAVIT, PINULOT NG MMDA

‘WAG na tayong maglokohan, please lang. Ang isyu tungkol kay dating Ilocos Sur governor Chavit Singson ay garapalang paglabag sa ethical standards, kahit pa anong palusot ang idinadahilan niya kung ang alok ba niyang pera ay isang donasyon, pabuya, o kung anoman ‘yun. Malinaw naman ang pinag-uusapan dito.

Ang eksenang nahuli si Singson sa paglabag sa mga batas trapiko ay hindi na dapat lumaki pa at mauwi sa paglilinis ng konsensiya sa pamamagitan ng kaduda-dudang cash donation.

Bakit naman tatanggap ng pera ang MMDA mula sa isang traffic violator kung hindi naman iyon ikinokonsiderang pabuya o suhol? Para sa Civil Service Commission, iligal ang nangyari, base sa Republic Act No. 6713. Dapat na pakinggan ng MMDA ang paaalalang ito: hindi dapat na humingi o tumanggap ng pera ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno o ng kahit anong ‘monetary benefit’ habang tumutupad sa kani-kanilang tungkulin.

Gayunman, kailangang linawin ang kuwento ng MMDA. Inamin nilang tinanggap nila ang perang ipinagkaloob ni Singson pero pinalabas nilang iyon ay “donasyon” para sa General Fund. Ang mga ganoong palusot ay hindi magliligtas sa kanila mula sa pananagutan ng paglabag sa batas. Gaya nga ng tamang sinabi ni CSC Commissioner Aileen Lizada, ang ganitong galawan ay nagbibigay ng delikadong halimbawa, na pupwedeng magresulta sa mas maraming paglabag ng mga motoristang mag-aakala na ganoon lang kadali makalusot sa batas.

Hindi dapat purihin ang ginawa ni Singson dahil ang pag-aalok ng pera pagkatapos lumabag sa batas ay hindi nagpapakita ng aral sa pagkakaroon ng integridad kundi isang pagtatangkang gamitin ang sariling impluwensya upang makaiwas sa pananagutan. Ang pagiging “atat” ng MMDA na tanggapin ang  pera, sa kung anomang dahilan sa pagbibigay niyon, ay isang pagtataksil sa tiwala ng sambayanan, isang lamat sa integridad, bukod pa sa kahihiyan.

Huwag nating hayaang baguhin ng mga terminolohiyang ligal at moderno ang katotohanan: ang pagtanggap ng pera mula sa isang lumabag sa batas ay isang naghuhumiyaw na kabastusan. Dapat na aminin ng MMDA ang pagkakamaling ito, resolbahin, at linawin ang pagkakaiba ng hustisya sa kumbinyente.

                                          Kasama Natin

Pwede ko bang sabihin na nakakasama na natin ngayon ang mga espiya — kinilala, inirehistro, at may mga dokumento bilang mga Pilipino pero ang hitsura at kung magsalita ay Chinese? Nais ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace S. Barbers na busisiin ang kasunduan sa likod ng mga mainland Chinese na mayroong PSA birth certificates, Philippine passports, driver’s licenses, at maging UMID cards!

Hindi ito simpleng kaso ng kapabayaan o kawalang responsibilidad ng gobyerno. Ang suspetsa ni Barbers na tumatanggap ng lagay ang mga opisyal ng gobyerno ang dahilan kaya madali na lang para sa mga hindi Pilipino ang magkaroon ng mga importanteng dokumento, na delikado naman para sa mga Pilipino, na naglalantad sa panganib sa ating pambansang seguridad.

Tama lang na kondenahin ng kongresista ang pagtataksil na ito sa tiwala ng bayan. Hindi rin lang ito simpleng kapalpakan; isa itong direktang banta sa ating soberanya. Dahil sa korapsiyon sa ating mga ahensiya, mas madali na lang para sa ilang dayuhan ang magkaroon ng agarang pagkakikilanlan bilang kunwaring Pilipino, na naglalantad naman sa atin sa seryosong panganib ng pag-eespiya.

Masyado na nga ba talaga tayong bulag para hindi natin mapansin ang biglaang pagdagsa ng mga estudyanteng Chinese sa mga estratehikong lugar sa bansa, gaya ng Cagayan, at manatiling walang anomang pinoproblema? Kinuwestiyon ni Barbers kung bakit ang mga tinatawag na Chinese exchange students ay mas interesadong mag-aral ng kulturang Pilipino malapit sa mga defense sites na pinangangasiwaan natin at ng Amerika. Oo, sa konseptong ito, hindi natin pinag-uusapan ang edukasyon, tama? Tungkol ito sa posibilidad na malagay sa alanganin ang ating seguridad.

                                                      *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.