Home OPINION ‘TONGPATS’, IPASISILIP NI C,PNP

‘TONGPATS’, IPASISILIP NI C,PNP

MAY kalalagyan ang mga tusong pulis at sibilyan na kumakaladkad  sa pangalan ni newly- appointed Philippine National Police chief P/Gen Rommel Francisco Marbil sa illegal gambling at iba pang vice crimes.

“We will investigate”, yan ang pinadalang reaksyon ng butihing heneral hinggil sa panggagamit sa kanyang pangalan ng isang alias ‘Germar’ at ‘Bebet’ na lumabas sa ating kolum (Chokepoint) ilang araw na ang nakararaan.

Maiksi man ang sagot sa ating isinulat, ang mahalaga’y pinaiimbestigahan ito, senyales na sensitibo ang kauupong chief PNP sa mga bagay na makasisira sa kanyang pamunuan na hindi pa man nag-iinit sa upuan.

Nahirang na 30th chief ng Pambansang Pulisya si Marbil  na halos ay dalawang linggo pa lamang sa puwesto pero isinambulat na ang pangalan sa mga iligal payola collector na sina  ‘Germar’ at ‘Bebet’.

Hindi ko alam kung si ‘Germar’ ay pulis o sibilyan pero si ‘Bebet’, ayon sa ating Crame insiders ay aktibong pulis na walang malinaw na assignment kundi umaaktong ‘tong collector’ ng mga tiwaling police official.

‘Di tulad ng mga nakaraang hepe na may mga baong programa nang maupong hepe ng PNP, kaiba si Marbil dahil imbes na magpakilala ng sariling programa, minarapat na lang na ipagpatuloy ang sinimulan ng mga predecessor.

Sa tema ng pananalita, ang concentration ng kanyang liderato ay disiplina sa mga pulis na ang diin ay paggawa’t pagsunod sa tama para ‘di maligaw ng landas nang sa gayon ay makatugon sa mandato bilang mga alagad ng batas.

Ramdam ang pagiging tunay na lider, walang kuskos-balungos nang ihayag sa kanyang talumpati sa unang dinaluhang flag raising na binabayaran ng taumbayan ang serbisyo ng PNP kaya kung ano ang tama ay iyon ang susundin  natin. “Let us not go astray’, aniya.

Si ‘Bebet’ ay halimbawa ng napakaraming miyembro ng PNP sa buong bansa – opisyal man o patrolman lang na tuwirang sumasalungat sa ‘let us not go astray’ famous line na ito ng Tarlakenyong police general.

Sa ganang atin, sa dami ng aktibong pulis na ‘tong vice collectors’ na maituturing na anay na sumisira sa PNP,  hindi lang sina ‘Germar’ at ‘Bebet’ ang imbestigahan, kundi lawakan na ni Gen. Marbil ang pagsilip sa kalakaran ng nagkakat na vice crimes sa bansa.