Home OPINION NARARAPAT NA GAWIN BILANG PASAHERO KUNG MAKARANAS NG “TURBULENCE”

NARARAPAT NA GAWIN BILANG PASAHERO KUNG MAKARANAS NG “TURBULENCE”

ISA ang namatay habang nasa 71 na pasahero, kabilang ang limang (5) Filipino, ang nasaktan matapos makaranas ng “severe turbulence” ang Singapore Airlines flight SQ321 habang nasa ibabaw ng Irrawaddy Basin sa Myanmar nitong umaga ng May 21, 2024. Mula London patungong Singapore ang eroplano na napilitang magsagawa ng emergency landing sa Bangkok, Thailand.

At nito lamang May 27, 2024, labingdalawa (12) naman ang nasugatan na sakay ng Qatar airways flight QR017 habang patungo ng Dublin, Ireland

Mula sa Doha. Nakaranas ang eroplano ng turbulence ha­bang nasa airspace ng Turkey. Ligtas naman itong nakarating sa destinasyon.

Ang pagkaranas ng “turbulence” ay normal na maaaring maranasan ng isang eroplano habang bumibiyahe. Ayon sa depinisyon, ito ay “chaotic and capricious eddies of air, disturbed from a calmer state by various forces” katulad ng mga bundok, jet streams, matataas na gusali, at masamang panahon.
Nakakakaba naman talaga ang makaranas ng “turbulence”, inuuga nito ang eroplano na animo ay tatama na sa kalupaan o katubigan.

Sa mga pagkakataon na mararanasan ito habang nasa himpapawid, narito ang mga nararapat na gawin bilang pasahero:

1.   Kaagad na ikabit ang inyong seatbelt lalo na kapag nagbigay ng warning sign o anunsyo ang mga flight crew. Maiiwas ka nito sa pagtama sa anomang bahagi ng interior ng eroplano lalo na sa mga overhead baggage compartments. Sa kaso ng Singa­pore airline, nasa tatlumpung (30) pasahero ang tumama ang ulo sa mga compartment.

2.   Manatiling kalmado habang gumagawa ng paraan ang piloto na mailayo ang eroplano at magbalik sa normal ang biyahe. Hindi makatutulong ang pag-iingay. Pakaisipin na kasama sa disenyo ng eroplano ang kakayahan nitong labanan ang serye ng mga “turbulence” sa himpapawid.

3.   Makabubuti ang pagsasagawa ng “meditation and deep breathing” para makaiwas sa pag-atake ng anxiety. Ang malalim na paghinga ay nakatutulong para makapag-isip ng maayos.

4.   Libangin ang sarili, katulad ng pagbabasa ng mga inflight magazine, panonood ng palabas o pakikinig ng music. Gawin ito sa mga ordinaryong insidente ng “turbulence” lamang.

5.   Makinig lamang sa mga announcement mula sa flight crew at hindi sa kasama o katabi sa upuan.

6.   Pakinggan ang pagsasagawa ng “safety reminders” bago umalis ang eroplano, at makabubuti ang pagbabasa ukol sa “turbulence”. Sa datus ng The New Times, mula taong 2009 hanggang 2022, umabot na sa 163 na pasahero at flight crew ang nasaktan sa United States dahil sa “turbulence”.
Kaya mahalaga talaga ang palaging naka-seatbelt habang bumibiyahe para sa pagtama ng “turbulence”, lalong-lalo na kapag may balak na matulog habang nagbibiyahe.

Bagama’t normal na bahagi ng pagsakay sa eroplano ang makaranas ng “turbulence”, lumabas sa isang pag-aaral na ang pagdalas nito ay epekto ng climate change, pero patuloy pa rin itong pinagdedebatehan ng mga eksperto.

Pero hindi dapat masira ng pagkatakot sa “turbulence” ang pagnanais ninyong makapagbakasyon o magtungo sa anomang destinasyon sakay ng eroplano, ligtas naman ang karamihan sa mga biyahe, at dapat pagkatiwalaan ang mga piloto dahil alam nila ang gagawin sa mga ganung sitwasyon, bahagi ito ng kani­lang naging pag-aaral.

Makatutulong din ang pagdarasal bago ang pagbiyahe dahil nakapagdudulot ito ng kapanatagan ng isip.