MANILA, Philippines – Umabot sa 2,889 katao o 729 pamilya ang nailikas dahil sa aktibidad ng Bulkang Mayon sa Albay, ayon kay Gobernador Noel Rosal noong Miyerkoles.
“So far, ‘yung ating 729 families, accounted natin ‘yan, representing 2,889 individuals from four municipalities and two cities,” sabi ni Rosal.
Idinagdag niya na normal naman ang sitwasyon sa ngayon, ngunit kinakailangang ilikas ang mga nasa loob ng anim na kilometro permanent danger zone.
Siniguro ni Rosal na kayang tugunan ang relief at pangunahing pangangailangan ng mga evacuee kahit tumagal ang paglilikas.
Dahil sa mga resettlement program, bumaba na ang bilang ng residente sa danger zone mula halos 9,000 noong mga nakaraang taon sa mas mababa sa 3,000 ngayon. Nakaayos na rin ang mga hakbang para sa kalusugan at sanitasyon sa mga evacuation center, kabilang ang malaking water containers at pasilidad sa kalinisan.
Itinaas ng PHIVOLCS ang Alert Level 3 sa Mayon noong Martes matapos maitala ang pyroclastic density currents o “uson,” na nangangahulugang “high level of volcanic unrest.” RNT