Home NATIONWIDE Nasabat na SIM cards noong Jan 2025 lampas sa kabuuan ng 2024...

Nasabat na SIM cards noong Jan 2025 lampas sa kabuuan ng 2024 – PNP

MANILA, Philippines- Higit pa sa doble ng kabuuang bilang ng pre-registered subscriber identity module (SIM) cards na nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) noong 2024 ang nasabat nitong January 2025, ayon sa Anti-Cybercrime Group (ACG).

Batay sa datos na ipinalabas ng ACG nitong Martes, makikitang nakumpiska ng unit ang 7,900 registered SIM cards, mas mataas ng 240.34 porsyento kumpara sa 3,287 registered cards na nasamsam noong 2024.

Base sa ACG, 38 indibdiwal ang nadakip sa 31 entrapment operations mula Jan. 1 hanggang 31 sa pagsawata sa ilegal na pagbebenta ng SIM cards. Kabilang sa mga naaresto ang isang menor-de-edad na isinailalim sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development.

Naghain na ng reklamong paglabag sa SIM Registration Act laban sa mga suspek.

Gayundin, 19 sa mga nasamsam na SIM cards ang iniuugnay sa bank accounts at e-wallets, na paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act.

“We strongly urge the public to refrain from purchasing registered SIM cards and to ensure that their own SIMs are properly registered,” pahayag ni ACG director, Brig. Gen. Bernard Yang nitong Martes.

“This is a vital step in preventing cyber fraud and safeguarding the public against cybercriminal activities,” dagdag niya.

Nauna nang kinilala ng Department of Information and Communication Technology (DICT) ang mga “gap” sa pagpapatupad ng SIM Registration Act, iginiit ang pangangailangan sa mas mahigpit na identity verification measures. RNT/SA