MANILA, Philippines- Naghain ng isang resolusyon si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na humihiling sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, na magsagawa ng imbestigasyon sa lumalagong online sexual abuse and exploitation of children.
Sa inihaing Senate Resolution No. 1307 nitong Lunes, tinukoy ni Hontiveros ang paglaganap ng criminal networks na kumikilos sa pamamagitan ng ilang chat platforms at electronic wallets.
Tinukoy ng resolusyon ang alalahanin kung paano nagagawa ng end-to-end encryption, habang nag-aalok ng privacy sa lehitimong users, na makaiwas sa batas ang sexual predators.
“The use of encrypted messaging and anonymous payment channels enables criminals to operate under the radar, making it even harder for authorities to track down offenders,” ayon kay Hontiveros sa resolusyon.
Sinabi ni Hontiveros na kailangang magkaroon ng mas malakas na patakaran at enforcement mechanism upang labanan ang online child exploitation, na dapat imbestigahan ng Senado ang papel ng digital payment platforms sa paggawa ng illicit transactions.
Iginiit pa ng senador na dapat palakasin ng gobyerno ang monitoring mechanisms para sa encrypted chat platforms at palakasin ang cybersecurity measures upang kilalanin at buwagin ang online abuse networks.
“A report by cybersecurity research group Deep Web Konek showed that over 100 private online channels dedicated to illicit content exist,” ayon kay Hontiveros.
Isa sa pinakamalaking channels na may mahigit 100,000 members at kumakatawan sa mahigit 40,000 digital files, kabilang ang explicit videos at larawan ng menor-de-edad.
Isinasagawa ang transaksyon sa pamamagitan ng e-wallets tuald ng GCash, na may mule accounts at disposable digital wallets na gumagamit ang tagong money trail.
May pagkakataon na sangkot din ang ilang magulang sa pagbebenta ng exploitative content ng sariling anak na may babaeng namamahagi ng mahigit 200 illicit files na naglalaman ng larawan at video ng kanilang sariling anak. Ernie Reyes