Home NATIONWIDE Nawawalang Pinoy seafarer ng MV Tutor ‘di pa natatagpuan – DMW

Nawawalang Pinoy seafarer ng MV Tutor ‘di pa natatagpuan – DMW

MANILA, Philippines- Aminado ang Department of Migrant Workers (DMW) na pahirapan ang pagsasagawa ng search operation sa nawawalang Filipino seafarer ng MV Tutor matapos itong kumpirmahing tuluyan nang lumubog.

Sa zoom meeting, sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na batay sa ulat ay nakitaan na rin ng pagtagas ng langis sa baybayin kung saan lumubog ang barko.

Aniya, hanggang ngayon ay nawawala o missing pa rin ang isang Filipino seafarer at hangga’t hindi aniya nakikita ang kanyang katawan ay ayaw pa nilang kumpirmahin na ito ay patay na..

“Missing pa rin po siya– hanggang ngayon he is not been found..We can not officially confirmed his death,” pahayag ni Cacdac.

Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na patuloy ang pagbibigay ng suporta sa pamilya ng missing seafarer tulad ng pagbibigay ng DMW at ng OWWA ng logistic support, emotional and psychosocial support, guidance at care support sa kanyang pamilya.

Sa ngayon, sinabi ni Cacdac na wala pang timeline kung kailan isasagawa ang search and salvaging operation dahil hinihintay pa nila ang lagay ng sitwasyon ngunit umaasa na sa darating na mga araw ay masisimulan na ang paghahanap sa seafarer.

Ayon kay Cacdac, isasagawa ang search operation ng pinagsanib na pagsisikap ng security forces sa karagatan sa buong mundo.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang shipowner sa retrieval experts upang maharap ang nawawalang marino.

Sa ngayon, sinabi ni Cacdac na nagkaroon na sila ng serye ng konsultasyon kaugnay sa nangyaring insidente sa MV Tutor.

Pagtitiyak ng DMW, patuloy ang kanilang suporta sa 21 nakauwi nang Filipino seafarer ng MV Tutor gayundin sa pamilya ng nawawala na may tatlong anak.

Tinitingnan din ng DMW kung may posibleng paglabag ang shipowner ng MV Tutor sa kabila ng babala ng gobyerno ng Pilipinas na iwasang dumaan sa Gulf of Aden at Red Sea.

Samantala, binanggit ni Cacdac na simula noong nakaraang buwan ay may naitala nang 78 seafarers na tumangging dumaan sa bahagi ng nasabing mga katubigan. Jocelyn Tabangcura-Domenden