CAMARINES SUR – Dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang barangay Chairman at ilan pang kasamahan nito sa ikinasang entrapment operation sa Camarines Sur dahil sa umano’y illegal logging at quarrying.
Nabatid na nagpasaklolo kay Senator Erwin Tulfo ang ilang residente noong Hunyo at isinumbong ang anila’y walang pakundangang illigal na pagputol ng mga kahoy at illegal quarry sa nasasakupan ni Chairman Ariel Bengua.
Bilang tugon, agad na nakipag-ugnayan si Sen.Tulfo kay NBI Director Jaime Santiago para maaksyunan na ang pang-aabuso sa kalikasan sa naturang lugar.
Kabilang sa naaresto sina Dennis Barrameda na may-ari ng hardware; magkapatid na Darel at Ronnie Barrameda; at Emman Joy Osiana habang nagbebenta ng mga iligal na pinutol na kahoy sa mga NBI agents na nagpanggap na mga buyer.
Ikinakasa naman ang mga kaukulang kaso na isasampa laban sa ares-tadong mga suspek. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)