MANILA, Philippines – Pinalaya na mula sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa si NBN-ZTE deal whistleblower Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr.
Kinumpirma ng Bureau of Corrections na nakalaya na si Lozada at ang kapatid nito na si Jose Orlando Lozada noon pang Mayo 9.
Sinabi ng BuCor na natapos nang napagsilbihan ni Lozada ang kanyang minimum sentence kaya napagkalooban siya ng parole.
Noong 2007, inakusahan ng Ombudsman si Lozada ng pagkiling at pagkakaloob ng hindi nararapat na benepisyo nang igawad nito ang 6.599 hektarya ng lupa sa kanyang kapatid sa ilalim ng Lupang Hinirang Program ng Philippine Forest Corporation.
Pinagtibay ng Supreme Court ang naging desisyon sa kasong katiwalian laban kay Lozada at ipinataw ang minimum imprisonment na anim na taon at sampung taon bilang maximum na pagkakulong.
Si Lozada ang nagsilbing whistleblower sa multi-million NBN-ZTE deal na kinasangkutan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.