MANILA, Philippines – Itataas na ang full alert status ng National Capital Region Police Office (NCRPO) simula sa Sabado, Setyembre 19 bilang paghahanda sa mga inaasahang kilos-protesta sa Metro Manila sa Setyembre 21.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, mahigit 15,700 pulis ang ipapakalat sa Metro Manila.
“It will start 12 midnight yung paglipat ng September 19 sa Saturday and full deployment will be done by the afternoon of Saturday at 5 p.m.,” sinabi ni Co sa press briefing.
Maaari ring ipadala ang karagdagang mga pulis mula sa Central Luzon, Calabarzon at iba pang rehiyon kung kinakailangan.
Ani Co, ang mga ipakakalat na mga pulis sa kilos-protesta ay hindi magdadala ng mga armas.
Ang crowd dispersal management (CDM) personnel yy magkakaroon naman ng gear, kabilang ang mga helmet, shield at baton.
Gagamitin din ang body-worn cameras sa operasyon at pananatilihin ang maximum tolerance.
Hanggang nitong Huwebes, sinabi ni Co na wala pang natatanggap na anumang aplikasyon ang PNP para sa permit sa rally ngunit inaasahang na may mga grupong magsasagawa ng aktibidad sa Setyembre 21.
Aniya, ang mapayapang mga pagtitipon ay maaaring gawin sa nakatalagang freedom parks na hindi kailangan ng permit.
Ang mga grupo naman na nagpaplanong magkasa ng pagkilos sa ibang lugar ay kailangang kumuha ng permit. RNT/JGC