Home OPINION NEA BINATIKOS SA PAGHAHAMBING NG SERBISYO, PRESYO

NEA BINATIKOS SA PAGHAHAMBING NG SERBISYO, PRESYO

106
0

HINDI umano patas ang paghahambing ng National Electrification Administration sa singil ng kuryente ng electric cooperatives at Manila Electric Company, ayon sa Laban Konsyumer Inc.

Sa pagbatikos ng LKI sa NEA, sinabi ng grupo na hindi dapat limitahan sa presyo ang pagtatasa kung hindi isaalang-alang dapat ang kalidad ng serbisyo at ang malaking agwat sa elektripikasyon sa bansa.

Para sa LKI, bagaman mas mura ang singil ng ilang ECs, marami sa mga ito ang hindi makapagbigay ng tuloy-tuloy at de-kalidad na serbisyo—isang malaking pagkakaiba kumpara sa Meralco at iba pang pribadong kompanya na nagseserbisyo sa mga lungsod.

“Kung ihahambing ang presyo, dapat pantay din ang sukatan sa reliability at accessibility ng kuryente,” pagdidiin ng grupo.

Lumalabas na malaki ang diperensya sa elektripikasyon sa pagitan ng mga lugar na sakop ng Meralco at ng ECs. Halimbawa, sa National Capital Region, 98% ng mga kabahayan ay may kuryente, samantalang sa Mindanao, batay sa datos ng Department of Energy, 40.9% lamang ang may access dito—na karamihan ay nasa ilalim ng ECs.

“Paano magiging patas ang paghahambing kung ang ilang ECs ay naghihirap pa sa pag-abot sa mga liblib na komunidad?” tanong ng LKI.

Binanggit din ng grupo ang ulat ng Asian Development Bank noong 2019 na naglalarawan ng mga pangunahing hamon sa enerhiya sa bansa, gaya ng kakulangan sa suplay at agwat sa serbisyo sa pagitan ng lungsod at kanayunan.

Sa kabila nito, hinatulan ng LKI ang NEA na sa halip na magpokus sa pagpapabuti ng sistema, ay naglalabas umano ito ng “mapanlinlang na pahayag” para pagtakpan ang palpak na rural electrification program na nagmula pa noong 1960s.

Nanawagan ang mga konsyumer na dapat masinsinang siyasatin ng NEA ang mga isyu—hindi lamang ang presyo kundi pati ang teknikal na kapasidad
ng mga kooperatibang pangelektrisidad, transparency sa paggamit ng pondo, at epektibong pagresolba sa mga reklamo.

“Responsibilidad ng NEA na siguruhing lahat ng Pilipino—lalo na sa liblib na lugar—ay may access sa maaasahan at abot-kayang kuryente.

Huwag nating hayaang maging dahilan ang murang singil para balewalain ang karapatan ng mamamayan sa de-kalidad na serbisyo,” giit ng LKI.

Sa huli, iginiit ng grupo na dapat maging accountable ang NEA sa pagtugon sa tunay na suliranin—ang pagkakaroon ng pantay-pantay at episyenteng serbisyo ng kuryente sa buong bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here