Home OPINION HINDI PWEDENG HOMEWORK ANG LABAN SA SUGAL

HINDI PWEDENG HOMEWORK ANG LABAN SA SUGAL

100
0

TILA hindi yata tama na habang nagtitiis ang maraming estudyante sa sira-sirang classroom at kakulangan sa libro, ay tuloy-tuloy naman ang pasok ng milyones galing sa online gambling.

Kaya siguro pinuna na ito ng ilang mga Senador, gaya ni Senator Alan Peter Cayetano na nagtataka kung bakit tahimik lang ang mga ahensyang dapat nagtuturo ng wastong pag-uugali o values gaya ng Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority at Department of Education gayong tiyak naman ng mga ito na kulang na kulang sa pondo ang sektor ng edukasyon.

Sabi pa nga ng senador, tila wala raw yatang pumipigil sa mga menor-de-edad na makapagbukas at maka-access sa online gambling kahit panay naman ang paalala ng gobyerno hinggil sa pagbabawal sa mga wala sa hustong edad na maglaro nito.

Dito kasi sa Pilipinas, may umiiral na batas sa ilalim ng R.A. 9287 na 21 ang legal age para makapagsugal pero dahil digital gambling sites napakadaling lusutan ng mga bata ang age restrictions. Isang click lang, pasok na agad sila sa mundo ng pustahan.

Ang masaklap pa, ang daming marketing strategies ang ginagamit ng mga gambling site na ayon kay Mike Robb, senior director ng research sa Common Sense Media, ginagamit daw ng mga ito ang humor, memes at mga paboritong celebrity para makahikayat lalo na sa kabataan.

Kung susumahin, talaga namang kumikita ang gobyerno ng halos P50 bilyon mula sa online gambling na talaga namang malaking halaga para sa masamang impluwensya habang naghihikahos naman ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Sabi ni Cayetano, hindi lang ito simpleng isyu ng sugal kundi usapin ng values. Ano raw klaseng lipunan ang binubuo natin kung ang bata’y tinuturuan mag-aral at magsikap, habang ang mga matatanda ay kumikita sa bisyo na maaaring nakaiimpluwensia sa mga ‘bagets’ para sila gayahin.

Marami nga ang nag-abang na banggitin ito ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address dahil noong nakaraang taon ay pinalakpakan pa ang desisyon niyang buwagin ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Sa dami ng problemang dala ng online gambling, maraming umaasang itutuloy ng administrasyon ang matapang na tindig pero natapos ang talumpati ng Pangulo na walang nabanggit sa online gambling, dismayado bigla sila.

At habang tuloy-tuloy ang debate kung dapat bang ipagbawal o i-regulate ang online gaming, hindi natin maikakaila na araw-araw, may kabataang nalululong dito. Hindi lang pisong pera ang nawawala, pati disiplina, oras sa pag-aaral, at pangarap.

Wala nang excuse. Isang click lang ang pagitan ng bata at ng sugal. Pero ang epekto, panghabambuhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here