Home METRO Negosyante patay sa pamamaril sa bodega; higit P200K natangay

Negosyante patay sa pamamaril sa bodega; higit P200K natangay

1
0

MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin sa loob ng isang bodega sa Sta. Cruz, Maynila, habang hinihinalang pagnanakaw ang pangunahing motibo sa krimen.

Natagpuan noong Lunes ang bangkay ng biktima na may mga tama ng bala sa loob ng inuupahang bodega kung saan umano siya bumibili at nagnenegosyo ng mga cellphone board.

“Nangungupahan lang po sila para mamili ng mga board ng CP… Nakita lang nu’ng mga kasamahan niya dati naka-open ‘yung kuwarto at nakita niya, naka timbwang na ‘yung tao,” pahayag ni Federico Ganuelas, executive officer ng Barangay 303, Zone 29.

Ayon sa barangay, hawak na ng pulisya ang CCTV footage na nagpapakita na mag-isang pumasok at lumabas ng gusali ang suspek.

“Nakasumbrero, naka-face mask, naka red t-shirt, naka ano siya ng sako bag at gumawi po siya banda rito sa Sta. Cruz, doon po siya sumakay paalis, tricycle po,” ani Ganuelas.

Batay sa paunang imbestigasyon, pagnanakaw ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad matapos madiskubreng nawawala ang bag ng biktima na naglalaman ng mahigit P200,000.

Lumitaw rin sa backtracking ng pulisya na dala pa ng biktima ang naturang bag habang nakikipagtransaksyon sa binibilhan niya ng mga piyesa ng cellphone bago ang insidente.

Patuloy ang follow-up operation ng mga awtoridad upang matukoy at madakip ang gunman at ganap na mabatid ang motibo sa pamamaril. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here