Bulacan- Natunton ng mga awtoridad ang bangkay ng negosyanteng senior citizen na umanoy dinukot at ibinaon sa bakanteng lote sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng mga awtoridad ang bangkay ng isang nagngangalang William, 62, businessman, residente ng Xavierville II, Loyola Height Subd. Quezon City.
Sa report, magkatuwang ang SJDM police station at QCPD Anonas Police station 9 sa paggalugad kaya nahukay ang bangkay bandang ala-1:30 ng madaling araw nitong January 9 sa Amoranto, Towerville, Brgy. Minuyan Proper.
Sa impormasyong nakalap, inginuso sa mga awtoridad ng dalawang naarestong suspek na sina alyas Noli at Mervin Juane ang eksaktong lugar na pinagbaunan kaya nakita ang bangkay na umano’y may bakas ng sakal sa leeg at gapos sa kamay.
Sinasabing natagpuan ang kotse sa lungsod ng Caloocan ng biktimang tatlong araw ng nawawala matapos dukutin sa Quezon City.
Sinusulat ito, nalamang naaresto na ng mga awtoridad sa ikinasang hot pursuit operation ang itinuturong mastermind sa naturang krimen na si alyas Victor.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang mga suspek. Dick Mirasol III