Home OPINION NESTHY PETECIO WAGI KONTRA INDIAN BOXER SA WOMEN’S FEATHERWEIGHT DIVISION

NESTHY PETECIO WAGI KONTRA INDIAN BOXER SA WOMEN’S FEATHERWEIGHT DIVISION

AABANSE sa round of 16 ng women’s featherweight division si Nesthy Petecio matapos nitong talunin ang Indian boxer na si Jasmine Lamboria sa pamamagitan ng unanimous decision na 5-0. Bagama’t mas matangkad at eksperyensado ay nagawa ng Filipina boxer na makontrol at maiwasan ang mga suntok nito.
Nakaharap ni Petecio ang boksingera mula sa France na si Amina Zidani noong August 3, 2024. Ito ang kasalukuyang seed no. 3 sa nasabing dibisyon ng boxing, at nagwagi ng gintong me­dalya sa European Games at bronze medal sa World Championships sa New Delhi, India kapwa noong 2023. Si Petecio naman ay silver medalist sa 2020/2021 Tokyo Olympics.
Hindi lamang mga Filipino kundi maging Americans at Europeans ay sumuporta sa laban ni Petecio kontra Lamboria.
Nabigo naman si Eumir Marcial na madaig ang boksinge­rong si Turabek Khabibullaev ng Uzbekistan sa men’s light heavyweight sa 5-0 na desisyon.
Ikinagulat ng marami ang pagkatalo ni Marcial lalo pa’t bronze medalist ito sa nagdaang Tokyo Games. Inamin nito na mayroon siyang iniindang injury na nagpahirap umano sa kanyang pagsasanay bago pa ang Olimpiyada. Hindi nito napi­gilang mapaiyak matapos ang pagkatalo.
Hindi rin umusad sa quarterfinals si Hergie Tao-Wag Bacya­dan matapos matalo via unanimous decision sa Chinese top seed na si Li Qian sa women’s middleweight division. Si Li ay silver medalist sa Tokyo Games at bronze medalist sa 2016 Rio de Janeiro Summer Olympics. Nagtapos naman sa 15th place ang swimmer na si Kayla Sanchez sa women’s 100-meter freestyle sa nagpapatuloy na 2024 Paris Summer Olympics sa oras na 54.21 seconds na mas mabagal sa nakuha niya sa qualifying round na 53.67 seconds na isang bagong Philippine record.
Nanguna ang mga manlalangoy mula sa Hong Kong, Australia, China, Netherlands, Sweden, at United States of America.
Maaari namang magtapos sa rank 19th hanggang 24th si Joanie Delgaco sa women’s individual single sculls ng rowing matapos na pumang lima lamang sa semi-finals C/D sa oras na 8 minutes and 00.18 seconds, mas mabagal sa naitala niya sa repechage na 7 minutes and 55 seconds. Muli siyang sumagwan noong August 3, 2024.
Mula sa 22 atleta ay may natitira pang 13 na lalaban sa bo­xing, golf, gymnastics, swimming at weightlifting. Siyam na atleta na ang nagtapos ang kampanya sa kasalukuyang Olimpiyada.