ISA sa hinahangaan ng mga opisyal ng iba’t-ibang bansa sa maraming Pinoy ay ang pagiging bihasa sa salitang ingles o kundi man mahusay sa pagbigkas na tiyak na maiintindihan ang kahulugan ng lengguaheng gamit.
Kaya’t saan mang sulok ng daigdig, prayoridad ang mga Pinoy sa trabaho bukod pa kasi sa sipag at malasakit ng mga ito sa kanilang trabaho.
Katunayan nga, ilang mga Pinay na ang ginawaran ng pagkilala sa mga bansa sa Europa dahil sa katangi-tangi nilang husay at katapatan sa trabaho at ito’y nagagawa ng maraming OFWs dahil nakakaintindi at nakapagsasalita sila ng Ingles na ginagamit na lengguheng pang-komunikasyon ng maraming bansa.
Sa kabila nito, nananawagan ang mga opisyal ng pamahalaan sa mga mamamayan na kahit yakapin pa nang husto ang salitang banyaga, dapat ay mas mahalin at ipagmalaki ang sariling wika.
Nito nga lang unang araw ng Agosto, ang itinuturing na “Buwan ng Wikang Pambansa”, mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang nanawagan sa mga Pinoy na mahalin ang ating sariling wika dahil isa ito sa mahalagang sangkap para makamit ang hangaring pagkakaisa at maalagaan ang pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.
Sabi ni Pangulong BBM, ang buwan ng wika ay nagsisilbing mahalagang paalala sa ating lahat na mahalin ang Wikang Pilipino nang bukal sa puso at nanggagaling sa kamalayan na ang mga wikang minana ay nagtatanghal ng ating kahanga-hangang pagkakakilanlan bilang isang lipi.
Binigyang diin pa ng Pangulo na ang Buwan ng Wikang Pambansa ay hindi lamang isang paalala kundi isa ring paanyaya na dapat ay patuloy nating mahalin at pagyamanin ang ating mga wika na hitik sa mga obrang tiyak na magpapalalim ng ating pag-ibig sa bayan at makapanghihikayat sa bagong henerasyon na tangkilikin din ang sariling atin.
Marami sa ating kabataan ang mas nais pang pag-aralan at tuklasin ang mga wikang banyaga, kaya naman mas mababa pa ang grado ng mga estudyante sa subject na Filipino kumpara sa English at iba pang paksa sa kanilang paaralan. Kaya kahit abala sa kanyang mga mahahalagang trabaho at pagtutok sa mga hakbang para sa pag-unlad ng kabuhayan at ekonomiya ng bansa si PBBM, hindi niya kinaligtaang paalalahanan ang mamamayan sa pagmamahal sa sariling wika.
Para sa Pangulo, ang pagmamahal sa sariling wika ay isang malaking ambag sa pagkamit ng kasarinlan ng bansa at ang kapangyarihan nito na buksan ang ating mga mata at isipan sa kahalagahan, karanasan, at kakayahan ng bawat isa.
Idineklara ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Hulyo 15, 1997 ang buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa na nataon namang buwan ng kapanganakan nang itinuturing na Ama ng Wikang Pambansa na si dating Pangulong Manuel L. Quezon.