NITONG Sabado, nakasungkit ng ginto ang ating lalaking gymnast na si Carlos Yulo sa floor exercise sa score nitong 15:00 sa Paris Olympics.
Pangalawa pa lang na ginto ng Pilipinas ang kay Yulo sa buong kasaysayan nitong paglahok sa world olympics.
Naunang nakasungkit si Hidilyn Diaz Naranjo ng ginto weigth lifting sa 2020 Tokyo Summer Olympics noong noong Hulyo 16, 2021.
Nabigo namang masungkit ang isa pang gold si Yulo kahapon.
Sa mga unang araw, naggudbay agad ang tatlong babaeng gymnasts natin at boxer na si Eumir Marcial.
May madaragdag pa kayang gintong medalya ang Pinas sa mga susunod na araw?
Kabilang sa mga inaasahan ang larangan ng pole vault at boksing.
Sana nga, mayroon pa at kung wala na, magiging happy na tayo sa mga pilak at bronze na maaaring hindi imposible hanggang sa katapusan ng palaro sa Agosto 11, 2024.
Sabi nga nila, gamitin ang puso, ang pusong Pinoy sa laban at laban nang laban lang.
Kung tutuusin, kakaunti lang talaga ang tsansa nating maka-ginto dahil 22 lang ang panlaban natin.
Ang China, may mahigit 505, Japan – 428, Australia – 477, United States – 637, France – 573, Germany – 453, South Korea – 142, at iba pa.
Sa rami ng mga ito, maraming ginto rin ang makukuha nila.
Sa pagkakaroon natin ng ginto, kung tutuusin milagro na yan dahil sa liit ng bilang ng mga Pinoy.
Sa susunod na mga olimpiada, baka naman magkaroon na tayo ng mas malaking atletang delegasyon at hindi ng mga opisyal ng gobyerno at mga alalay nila na may kasamang junket gamit ang pondo ng pamahalaan.
Para magkaroon tayo talaga ng mahuhusay na atleta, kinakailangan ang buong suporta ng pamahalaan dahil limitado ang galing sa mga pribadong tao at kompanya.
Alalahaning napakalalaki ang gastos kahit para sa isang atleta lang, lalo ang mga kailangang mag-abroad at mag-training doon na may dayuhang mamahaling coach.