LINGID sa mata ng sambayanan na may apat pang mga Bikolanong guro ang kabilang sa ‘Top 10’ sa isinagawa pa lang na Licensure Examination for Teachers o LET sa buong bansa kung saan sila ay mga anak ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development.
Ang naka-highlight lang kasi sa pinakahuling State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos ay ang topnotcher ng Civil Engineering at Teacher’s Board na pawang mga anak ng 4Ps grantee na sadyang hinangaan naman ng taumbayan ang mga magulang nito sa pagpupursige na makatapos ang mga anak nila sa tulong ng kanilang buwanang tinatanggap na cash grants.
Si Mylene Bontile, ng Jose Panganiban,Camarines Norte, ay pang anim sa nakakuha ng pinakamataas na score na 91.40 sa LET, habang sina Ciara Jalimao at Pamela May Orolfo, kapwa ng Vinzons at Labo, pawang sa Camarines Norte, ay nasungkit ang top 8 at may gradong 90.80 at 91.20 samantala pang sampu naman ang residente mula sa Mandaon,Masbate na si Joshua Biliran.
Batid ng bawat isa na ang ayudang ito mula sa naturang programa ay ginugugol bilang panggastos ng mga estudyanteng naging propesyunal na at nakapagtrabahong sandalan na rin ng kanilang mga pamilyang inaahon na sa kahirapan.
Ilang libong pulis, guro, OFWs at iba pang marangal na trabaho ang naging resulta sa mga anak ng Pantawid na benepisyaryo at nakapagpatapos pa ng kanilang kaanak na kumikita na rin ngayon?
Hindi lang ‘yan,batay sa datos ng kinauukulan, malaking porsyento ang ibinaba ng maternal deaths mula nang inilunsad ang 4Ps bunsod sa kaakibat ng programang ito ang regular na pagsusuri sa mga buntis na nanay na naglalayong mapangalagaan ang kalusugan nila habang hindi pa nanganganak.
Obligado silang pumunta sa mga health center para sa buwanang check-up dahil kung hindi ay kakaltasan ang kanilang tinatanggap na cash grants.
Kaya naman panahon na para itama ang baluktot na pag-unawa ng iilan na kesyo dole-outs ang ibinibigay sa nakararaming kababayang benepisyaryo nito dahil maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi na mabilang sa mga daliri ang mga anak nilang propesyunal na sa tulong ng cash grants mula sa 4Ps.
Maging ang Kongreso ay mabilis pa sa kidlat na inaaprubahan ang taunang pondo nito para sa 4.4 milyon na pamilyang kailangan pang tulungan umangat ang pamumuhay sa pamamagitan ng edukasyon.