SA pangkalahatan, mapalad pa rin ang mahal kong Pinas kumpara sa iba.
Mapalad dahil walang giyera at matitinding kaguluhang nararanasan gaya ng mga kaguluhan at giyerang nagaganap sa ibang mga bansa.
Kung may kaguluhan man, pangunahing dala ito ng pulitika kaugnay ng halalang 2025 na nauugnay rin sa halang 2028.
Magkaugnay ang mga halalang 2025 at 2028 dahil ang mga mananalo sa 2025, posibleng maging kandidatong Bise Presidente at Presidente sa 2028.
Mayor man siya, kongresman, senador o iba pa.
Ang nakalulungkot lang, higit na paninira sa isa’t isa ang ginagawang paraan para masungkit ng mga politiko ang mga posisyong makapangyarihan at masabaw.
Hindi ‘yung para sa kapakanan talaga ng taumbayan.
MGA GULO AT GIYERA
Nasa 40,000 na ang patay sa Gaza Strip, kasama ang libo-libong baby at bata, may malawakang gutom at halos durog lahat ang pundar ng mga mamamayan sa giyera.
Sa Sudan, idineklara na ang famine o malawakang gutom sa Darfur region bukod pa ang maramihang kamatayang sinasapit ng mga sibilyan mula sa naggigiyerang iba’t ibang grupo gaya ng mga pwersa ng pamahalaan, karibal na gobyerno, terorista, dayuhang nakikialam at iba pa.
Nasa 400,000 na ang patay sa Darfur lang at meron nang kulang-kulang sa 20,000 na patay sa pagitan ng dalawang magkaribal na pamahalaan sa mga araw na ito.
Ang mga babae nire-rape at pinapatay, kasama ang mga bata.
Sa Myanmar, kabilang sa 11 bansang bumubuo ng Association of Southeast Asian Nations, may mabangis na digmaan sa pagitan ng pamahalaan at rebelde at may mahigit nang 53,000 patay.
Sa Ecuador, may mahigit nang 14,000 na patay sa drug war at nagpapatuloy ito hanggang ngayon at naglalaban ang gobyerno at mga drug gang na konektado sa Mexico.
Ang Ukraine at Russia war, may kabuuan nang nasa 500,000 patay sa parte lamang ng mga sundalo ng magkabilang panig at nasa 150,000 sugatan.
‘Yan ang larawan ng ibang mga bansa at nagpapasalamat tayo sa pagkakaroon ng maayos at mapayapang bansa.
Kung tutuusin, malaking ibinunga na kaayusan at kapayapaan ang drug war at paghupa ng giyera sa Mindanao sa ilalim ni dating Pangulong Digong Duterte.
Dinatnan ng kasalukuyang pamahalaan ang nasabing kaayusan at kapayapaan at inaamin ito ng maraming mamamayan sa kabila ng mga reklamo laban sa nakaraang administrasyon.
GIYERA SA KALAMIDAD
Dahil may kaayusan at kapayapaan, may pagkakataon ang lahat na magtulungan para sa ikababago at ikauunlad ng Pinas, na maging kapaki-pakinabang sa huli sa higit na nakararaming mamamayan at buong bansa.
Ang mga gulo at siraan sa pulitika, dapat nang bawas-bawasan.
Kabilang sa mga dapat na pagtulung-tulungan ang laban sa mapanirang mga kalamidad na dala ng masamang panahon, kabilang na ang mga bagyo, siyam-siyam na ulan, habagat, baha, landslide at iba pang nagbubunga ng mga kamatayan at pagkasira ng mga ari-arian ng mga mamamayan at gobyerno.
Ang pondo at kapangyarihan sa pamahalaan, dapat na gamitin para sa kapakinabangan ng mga mamamayan at hindi para sa interes pangunahin ng mga politiko at korap lamang.