Home NATIONWIDE NHA namahagi ng financial assistance sa 1,076 pamilyang nasunugan

NHA namahagi ng financial assistance sa 1,076 pamilyang nasunugan

MANILA, Philippines – UPANG matulungan ang biktima ng sakuna namahagi ng tulong pinansyal ang National Housing Authority (NHA) sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa 1,076 pamilyang naapektuhan ng sunog.

Noong Pebrero 8, 2025, tumanggap ng ₱10,000 na ayuda ang 549 na pamilyang biktima ng sunog mula sa Muntinlupa at Parañaque City sa ilalim ng EHAP. Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni NCR South Sector Manager Cromwell C. Teves ang pamamahagi ng ayuda sa Muntinlupa kasama ang iba pang lokal na opisyal.

Samantala, noong Pebrero 5 at 7, 2025, nakatanggap din ng tulong pinansyal mula sa programa ang 527 pamilya mula sa San Andres at Tondo, Maynila.

Nabatid na sa ilalim ng EHAP, nagbibigay ang NHA ng tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng mga sakuna tulad ng bagyo, sunog, lindol, at pagbaha upang matulungan silang makapagsimulang muli at muling maitayo ang kanilang mga tahanan.

Noong 2024, nakapag-pamahagi ang NHA ng kabuuang ₱361 milyon na tulong pinansyal sa ilalim ng EHAP. Ang inisyatibang ito ay alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suportahan ang pabahay at pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at serbisyo ng gobyerno. Santi Celario