NORTH KOREA – Nagbabala ang North Korea sa anumang pakikialam ng Estados Unidos sa kanilang “space assets” na ituturing nila itong “declaration of war.”
“The US Space Force’s deplorable hostility toward the DPRK’s reconnaissance satellite can never be overlooked as it is just a challenge to the sovereignty of the DPRK, and more exactly, a declaration of war against it,” sinabi ng defense ministry na iniulat ng state news agency na KCNA.
Ang babala ay halos dalawang linggo lamang matapos na sabihin ng Pyongyang na matagumpay nitong inilunsad ang kauna-unahang spy satellite.
Hindi naman makumpirma ng South Korea, Estados Unidos o kahit Japan, kung ang spy satellite ng North Korea na “Malligyong-1,” ay nakarating sa orbit.
Ilang araw lamang matapos ang paglulunsad ng North Korea, ipinadala naman ng South Korea ang kauna-unahan din nitong spy satellite patungo sa orbit sa tulong ng SpaceX.
Sa report ng KCNA, ang babala ng Pyongyang ay kasunod umano ng komento mula sa US Space Command official na “spouted rubbish hinting at a military attack on the DPRK’s reconnaissance satellite.”
Ayon pa sa KCNA, sinabi umano ng hindi pinangalanang American official na ang US “can decrease the enemy country’s outer space operation capabilities” by employing “diverse reversible and irreversible methods.”
Sinabi ng Pyongyang na ang satellite nito ay para sa reconnaissance, “and is not regarded as a space weapon by international law for its technical features aimed at observation.”
Sa kabila nito, sinabi ng mga analyst na ang naturang spy satellite ay layong magmanman at pataasin ang military capabilities ng Pyongyang.
Bilang tugon sa November 21 launch, isinailalim sa sanction ng US Department of Treasury – Office of Foreign Assets Control (OFAC) ang walong foreign-based DPRK agents “that facilitate sanctions evasion, including revenue generation and missile-related technology procurement that support the DPRK’s weapons of mass destruction (WMD) programs.”
Isinailalim din nito sa sanction ang isang cyber espionage group na tinatawag na Kimsuky dahil sa “gathering intelligence to support the DPRK’s strategic objectives.”
Samantala, kinondena ng Japan at South Korea ang paglulunsad ng North Korea ng spy satellite, na tinawag nilang “clear violation” ng UN Security Council resolution na nagbabawal sa North Korea sa paggamit ng ballistic missile technology.
Sa kabila nito, nagbabala ang Pyongyang na kapag itinuring ng iba ang kanilang reconnaissance satellite bilang isang “military threat” na kailangang pabagsakin, sisirain din nito ang “countless spy satellites of the US flying above the Korean peninsula region every day, exclusively tasked with monitoring the major strategic spots of the DPRK.” RNT/JGC