Home NATIONWIDE NPC nanguna sa pagdiriwang ng National Press Freedom Day

NPC nanguna sa pagdiriwang ng National Press Freedom Day

Larawan kuha ni Val Leonardo

MANILA, Philippines- Pinangunahan ng National Press Club ang pagdiriwang ng National Press Freedom Day nitong Biyernes kasabay ng ika-174 kapanganakan ni Gat. Marcelo H. del Pilar sa NPC Compound, Magallanes Drive, Intramuros, Manila.

Sinimulan ang maghapong selebrasyon sa pamamagitan ng tree planting sa harapan ng gusali ng NPC sa pangunguna nina Leonel Abasola, pangulo; Mina Navarro, treasurer; Lydia Bueno, auditor at iba pang opisyal ng naturang samahan.

Sinundan ito ng maikling palatuntunan kung saan naging panauhing pandangal si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na kinatawan ng kanyang maybahay na si Congresswoman Lani Mercado.

Sa kanyang mensahe, binanggit nito ang kanyang malaking pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag kaya naman itinulak niya sa Senado ang panukala na naging daan para sa pagkakapasa ng Republic Act 11699 na nagdedeklara sa ika-30 ng buwan ng Agosto ng bawat taon bilang National Press Freedom day.

Naging matagumpay ang ginawang preparasyon sa tulong ng iba pang opisyal ng NPC na sina Direktor Aya Yupangco, Gina Mape, Jay Reyes, Jun Mendoza at Dennis Napule.

Dumating din sa naturang okasyon sina Presidential Task Force on Media Security executive director Usec. Paul Gutierrez; Social Security System President/CEO Rolando Macasaet; Government Service Insurance System Vice President Margie Morillo; PBGen Froilan Navarroza, kinatawan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil; PCol. Federico Roy, Jr., kinatawan ni Manila Police District District Director PBGen. Arnold Thomas Ibay; Mr. Billy Ang at Henry Tan ng Filipino Chinese Journalist Amity Club at mga miyembro ng NPC mula sa iba’t ibang press corps.

Matapos ang maiksing programa, isinagawa naman ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng Caloocan-Navotas-Malabon-Valenzuela Press Corps sa pamumuno ni Maeng Santos.

Isinagawa rin ang paglagda sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng NPC at ng Congressional Communicators para sa mga nakalatag na aktibidad sa pagitan ng dalawang nabanggit na samahan.

Nagsagawa rin ang NPC ng pneumonia vaccination sa pakikipagtulungan ng PTFoMs na pinamumunuan ni Usec. Gutierrez.

Naging bahagi rin ng maghapong pagdiriwang ang pagsasama-sama ng mga mamamahayag at mga kaibigan sa isang masayang “Media Night” sa NPC Bar and Restaurant, 4th Floor, ng gusali ng NPC. RNT