Home NATIONWIDE Nuclear arsenal, conventional military palalakasin ng NoKor

Nuclear arsenal, conventional military palalakasin ng NoKor

297
0

SEOUL, South Korea — Ipinahayag ni North Korean leader Kim Jong Un na ilalabas ng Pyongyang ang bagong polisiya para sabay na paunlarin ang kanilang nuclear arsenal at konbensiyonal na sandata sa darating na ruling party meeting, ayon sa state media nitong Sabado, Setyembre 13.

Mula nang mabigo ang summit sa Estados Unidos noong 2019, iginiit na ng North Korea na hindi ito kailanman tatalikod sa armas nuklear at idineklara ang sarili bilang isang “irreversible” nuclear state.

Sa pagbisita ni Kim sa weapons research facilities ngayong linggo, sinabi niyang ihaharap ng Pyongyang ang polisiya ng sabayang pagpapaunlad ng nuclear forces at conventional armed forces, ayon sa ulat ng Korean Central News Agency.

Binanggit din niya ang pangangailangang i-modernize ang konbensiyonal na puwersa militar ng bansa, ngunit hindi tinukoy kung kailan gaganapin ang party meeting.

Pinalakas umano ni Kim ang posisyon nito bunsod ng digmaan sa Ukraine, matapos magpadala ng libo-libong sundalo upang tumulong sa Russia.

Noong nakaraang taon, lumagda ng mutual defense pact ang Moscow at Pyongyang nang bumisita si Russian President Vladimir Putin.

“In essence, it reflects (Kim’s) view that nuclear forces alone have limits as a deterrent, and that Pyongyang is seeking to boost its war-fighting capability by modernizing its conventional arsenal,” ayon kay Hong Min, senior analyst sa Korea Institute for National Unification.

Dagdag niya, lumalawak na rin umano ang kooperasyon ng Pyongyang at Moscow sa larangan ng konbensiyonal na armas, na malamang mailatag bilang mid- hanggang long-term agenda sa pagpupulong.

Noong huling party congress noong Enero 2021, naglatag si Kim ng ambisyosong military agenda, kabilang ang pagbuo ng military spy satellites at solid-fuel intercontinental ballistic missiles.

Inaasahan ng mga analyst na gaganapin ang susunod na pulong sa unang bahagi ng susunod na taon.

Kamakailan, lumahok si Kim kasama si Putin at Chinese President Xi Jinping sa parada sa Beijing—isang eksenang tinuligsa ni US President Donald Trump, na nag-akusang nagsasabwatan ang tatlong lider laban sa Amerika. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here