MANILA, Philippines —Magpapatupad ng “conscience vote” ang National Unity Party (NUP) at Liberal Party (LP) sa nakatakdang plenary vote ng House of Representatives hinggil sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, sa halip na magkaroon ng opisyal na party stand.
Ayon kay NUP Chairman at Deputy Speaker Ronaldo Puno, iginagalang ng partido ang kalayaan ng mga miyembro nito sa pagtupad ng kanilang tungkuling konstitusyonal.
“The NUP has consistently stood as a reliable and steadfast partner of the administration, supporting its priorities and ensuring stability in governance. At the same time, on a matter as serious as impeachment, every member must be guided by their own judgment, their conscience, and the interests of the people they represent,” ani Puno.
Dagdag pa niya, ang impeachment ay “a constitutional process, not a partisan exercise,” kaya dapat malayang makapagpasya ang bawat mambabatas.
“Our support for the administration remains steady,” dagdag pa niya.
Ayon sa mga ulat sa Kamara, may hindi bababa sa 43 miyembro ang NUP, ngunit tinatayang umabot na ito sa humigit-kumulang 80 matapos ang paglipat ng ilang miyembro mula sa Lakas-CMD.
Ganoon din ang posisyon ng Liberal Party. Ayon kay LP President Lorenzo Tañada III, napagkasunduan sa pulong ng partido noong Marso ang pagpapatupad ng conscience vote.
Gayunman, sa panukalang anti-political dynasty bill, mananatili ang LP sa party vote.
Nauna nang sinabi ni Caloocan Rep. Edgar “Egay” Erice na hindi siya lalahok sa impeachment vote, at iginiit na ito ay usapin ng banggaan ng mga political dynasty ng Duterte at Marcos.
Samantala, sinabi ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na mayroon na silang napagkaisahang posisyon sa impeachment ngunit hindi pa ito isisiwalat hanggang sa plenary voting. Ayon kay House Assistant Majority Leader Rep. Javier Miguel Benitez, ito ay resulta ng talakayan batay sa mga impeachment hearings, at itinanggi niya ang alegasyon ng pamimilit o panunuhol sa mga mambabatas.
Kailangang makakuha ng hindi bababa sa 106 boto, o isang-katlo ng 318 miyembro ng Kamara, upang maipasa ang impeachment at maisampa sa Senado bilang impeachment court.
Ayon kay House Justice Committee Chair Rep. Gerville Luistro, kumpiyansa siyang maaaprubahan sa plenaryo ang committee report, batay sa bilang ng suporta na nakuha sa mga naunang pagdinig.
Kabilang sa mga reklamo laban kay VP Duterte ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, umano’y maling paggamit ng PHP612.5 milyon confidential funds, pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang pamilya, at umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Inaasahang handa na ang Kamara na bumoto sa Articles of Impeachment sa susunod na linggo. RNT