ILANG tulog na lang ay sasapit na ang paboritong araw sa buong mundo- ang Pasko!
Ika nga ay ‘pasko na naman…’ parang kailan lang. Maya-maya nito ay papasok na ang taon ng 2026 subalit ang pangakong regalo ng gobyerno laban sa mga mandarambong ay tila naipako na ng mga nangako.
Manatiling magbantay sa mga susunod na kaganapan. Ipaalala ang mga pangako lalo ang pahayag noon na sa bilid magpapasko ang mga sangkot sa malawakang pandarambong sa kaban ng bayan na sangkot ang mga politiko.
Tandaan natin na ang pangako na ito ay ilang beses binigyang-diin ng ilang opisyal ng Malakanyang kabilang na ang hepe ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bagaman sa kasalukuyan ay mayroon nang naisampang kaso sa Sandiganbayan.
Pero masasabing hindi pa kabilang sa naturang kaso ang tinatawag na ‘star players’ kahit sabihin pa na mayroon nang deklaradong pugante na ang isang dating politiko ay hindi pa rin ito sapat upang humupa ang galit ng taumbayan.
Alam naman kung sino sa hanay ng mga politiko ang kabilang sa mga magigiting na manlalaro sa larangan ng pandarambong kaya tiyak na ito ang hinihintay pa rin ng taumbayan hanggang sa kasalukuyan na kanilang masaksihan ang pagpasok ng mga ito sa likod ng rehas na bakal.
Sadyang matulin ang mga araw kaya huwag nang asahan pa na matutupad ang pangakong sa bilibid magpapasko ang mga mandarambong. Naipangako man ito ng ating gobyerno subalit ito ay tinatawag sa wikang Ingles na ‘best efforts’.
Pilitin man ng ating gobyerno na matupad ang kanilang pangako sa taumbayan pero mananatiling hadlang ang tinatawag na ‘due process’ na hindi puwedeng ilagay sa isang sulok ng mga korte gaya ng Sandiganbayan.
Ang mahirap lang ay kung makaraaan ang Kapaskuhan ay tuluyan nang kalimutan ang pangako na mayroong mananagot at hihimas ng rehas na bakal kaugnay sa naganap na pandarambong lalo na’t ito ay pinagbidahan ng mga politiko.
Nakapagtataka lang talaga dahil mayroon pa rin mga singit na proyekto sa panukalang badyet para sa 2026. Alam kaya ng mga nagsingit na ito na hindi sila makukulong? Na hindi totoong may makukulong sa mga naunang nasangkot na politiko kaya malakas pa rin ang loob ng mga ito?






