ALAM n’yo ba kung ano ang totoong nagpapahirap sa ating bansa? Ito ay ang bulok na sistema sa ating pulitika. Ang mga politikong gumagawa ng ating pambansang badyet ay nagkukunwaring walang katiwalian. Pero hindi.
Pinayagan ng Bicameral Conference Committee, sa pakikipagbaragan ng mga kongresista, ang paglalaan ng bilyon-bilyong piso sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP). Ang MAIFIP ay isa sa mga programa na idinisenyo upang magkaroon ng “utang na loob” ang mga tao sa mga politiko.
Sa ilalim ng MAIFIP, P51 bilyon mula sa buwis ang ilalabas sa 2026 upang tulungan (kuno) ang mahihirap na pasyente sa mabigat na gastusing medikal. Pero bago ma-access ang pondo, ang mga pasyente ay kailangang makakuha ng “guarantee letters” mula sa mga politiko.
Isa itong pahirap lalo sa mga mahihirap lalo’t sumasaklaw lamang ito sa maliit na bahagi ng kabuuang gastusin sa healthcare. May mas mahusay namang paraan ng pagpopondo sa healthcare nang hindi na kailangang “manik-luhod” sa mga politiko. Ang buong pondo para sa MAIFIP ay ibigay na lamang sa PhilHealth, ayon sa 72 organisasyong medikal at mga propesyonal sa kalusugan.
Hindi na ito dapat idaan sa mga “mapapapel” na politiko dahil ang pondong ito ay mula naman sa buwis ng taumbayan. Ngunit sa kabila ng mahigpit na pagbabantay sa proseso ng badyet ng mga volunteer group, hindi napigilan ang MAIFIP na pihadong ipambibili na naman ng mga politiko ng boto sa susunod na halalan.
Dinoble rin ng Bicam ang pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations sa P63.8 bilyon. Ito ay sa gitna ng mga pangambang gagamitin din ito sa pampulitikang ambisyon ng mga buwaya. Ang AICS na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development, ay isang pork barrel-type aid program na gamit na gamit sa patronage politics.
Mula sa unang panukalang P26.9 billion, dinoble ng House of Representatives sa P59.09 bilyon ang pondo para sa AICS. Sa bicameral deliberations, inamin ni House appropriations committee chair Rep. Mikaela Angela Suansing na ang “request for additional funding” ay mula kay DSWD Sec. Rex Gatchalian. So, alam na natin ang ibig sabihin kapag tumakbo sa 2028 elections si Sec. Rex.
Sa kabila ng hiling ng publiko na tanggalin na ang pork barrel system, patuloy pa ring inuuna ng mga politiko ang mga programang “mapaiikot ng kanilang mga kamay” ang publiko.
Naglalaro ang mga “baboy na politiko” dahil sa sobrang pagkahayok nila sa kapangyarihan at kuwarta. Para bang hindi sila maaaring gumana kung wala ito.






