Home NATIONWIDE Obispong saksi sa affidavit ng 18 ex-Marines, sinubpoena ng NBI

Obispong saksi sa affidavit ng 18 ex-Marines, sinubpoena ng NBI

180
0

MANILA, Philippines – Naglabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Bishop Efraim Tendero, na tumayong saksi sa pagpirma ng affidavit ng 18 umano’y dating Marines, ayon kay NBI Director Melvin Matibag nitong Miyerkules.

“‘Yung sworn affidavit ngayon lang ako nakatingin na may witness. So si Pastor Efraim is also a person of interest. We also issued a subpoena sa kanya,” ani Matibag sa mga mamamahayag.

Nauna nang naglabas ng subpoena ang NBI sa mga Marines, sa kanilang abogado na si Levito Baligod, at kay dating kongresista Mike Defensor matapos nilang akusahan ang ilang indibidwal na umano’y tumanggap ng pera mula kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co.

Noong Martes, humarap sa NBI si Charlie Pascual, na nag-notaryo sa affidavit ng mga Marines, at iginiit na siya ay isang lehitimong abogado.

Ayon kay Matibag, nagbigay si Pascual ng mga larawan at video ng proseso ng notarization at sinabi rin na may kaugnayan ito sa law firm ni Baligod.

Nauna ring sinabi ng Philippine Navy na apat sa 18 katao ay hindi kailanman naging miyembro ng Navy o ng Philippine Marine Corps.

Samantala, nagsampa rin ng reklamo ang ilang indibidwal na nadawit sa affidavit laban sa mga Marines at iba pa, kabilang sina National Security Adviser Eduardo Año, dating Senador Antonio Trillanes IV, House Deputy Minority Leader Leila de Lima ng ML party-list, Fr. Flavie Villanueva, at Corrections Director General Gregorio Catapang Jr.

Sa isang Facebook post noong Pebrero 27, sinabi ni Tendero na dalawang araw bago ang kanyang biyahe patungong United States ay hiniling sa kanya na maging saksi sa pagpirma ng sworn statement ng 18 lalaki na nagsabing sila ay mga enlisted personnel ng Philippine military.

“I confirm that I witnessed the 18 soldiers appear before the notary public, and the signing process took place,” ani Tendero.

Gayunman, nilinaw niya na hindi niya personal na kilala ang grupo at lumapit lamang ang mga ito sa kanya bilang isang religious leader na nagsusulong ng transparency at accountability.

Idinagdag pa ni Tendero na “as a witness, I don’t attest to the accuracy or truth of the statements made.” Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here