MANILA, Philippines – NANAWAGAN ang National Press Club (NPC) of the Philippines sa mga awtoridad na tiyakin ang pagrespeto sa press freedom at due process kasunod ng pagkakaaresto sa beteranong radio reporter ng DZRH na si Misael “Boy” Gonzales dahil umano sa paglabag sa Data Privacy Act.
Ayon sa NPC, dapat maging maingat ang mga kinauukulan sa paghawak ng kaso dahil ang naturang usapin ay may kinalaman sa pag-uulat ng isang mamamahayag tungkol sa isang kasong may interes sa publiko.
Nag-ugat ang kaso laban kay Gonzales matapos niyang iulat ang tungkol sa warrant of arrest na inilabas laban sa isang konsehal ng Maynila na nahaharap sa reklamong lascivious conduct na kinasasangkutan umano ng isang menor de edad.
Sa pahayag ng NPC, binigyang-diin nito na ang naging ulat ng radio reporter ay nakabatay sa opisyal na rekord ng korte, kaya’t malinaw na may basehan ang impormasyong inilabas sa publiko.
Dagdag pa ng organisasyon, nauna nang ibinasura ng korte ang reklamong isinampa laban kay Gonzales sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
Para sa NPC, ang pagbasura sa unang reklamo ay patunay na ang naging ulat ng mamamahayag ay mula sa mga lehitimong dokumento ng korte at hindi gawa-gawa lamang.
Matatandaang noong nakaraang taon ay naglabas ng warrant of arrest laban sa naturang councilor kaugnay ng umano’y paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act 7610, na inamyendahan ng Republic Act 11648, kung saan itinakda ang piyansang ₱400,000.
Samantala, inaresto si Gonzales, 66-anyos, bandang alas-10:50 ng umaga nitong Miyerkules sa harap ng Department of Justice sa Padre Faura, Ermita, sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng District Police Intelligence and Operations Unit ng Manila Police District. Jay Reyes