Home METRO Obrero isinelda sa panghoholdap, pananaksak sa tindera sa Valenzuela

Obrero isinelda sa panghoholdap, pananaksak sa tindera sa Valenzuela

MANILA, Philippines – Arestado ang isang construction worker na nangholdap at nanaksak ng isang tindera ng ukay-ukay, nitong Biyernes, Disyembre 1.

Kasong robbery with serious physical injuries ang haharapin ng suspek na si alyas Aksel, 30, residente ng Naga City, Bicol.

Ang biktima naman ay si alyas Renalyn, 19, nakatira sa Canumay West, ng lungsod, helper at kahera sa tindahan ng ukay-ukay na nasa Tongco St., Barangay Maysan, Valenzuela.

Nagpanggap na kostumer ang suspek at nang makakuha ng tiyempo ay tinutukan ng kutsilyo sa leeg ang biktima at ipinasok sa loob ng banyo, at doon sinuntok ni Aksel si Renalyn sa mukha at sinaksak ng dalawang beses sa tiyan.

Nawalan ng malay ang biktima at nang muling magkamalay matapos ang ilang minuto, natuklasan niyang nawawala na ang P3,500 na pinagbentahan na nasa loob ng kanyang belt bag.

Agad namang dumating ang ambulansiya nang tawagan ng mga tanod ng Maysan at itinakbo si Renalyn sa Valenzuela Medical Center sa Karuhatan.

Nang suriin ang closed circuit television footage, nakitang iba na ang suot na damit ng suspek paglabas sa tindahan, saka sumakay sa tricycle at bumaba sa kanilang construction site.

Pansamantalang naninirahan sa construction site na nasa R.Jacinto St., Canumay West, Valenzuela si Aksel, at dito na siya naaresto ilang oras lamang matapos ang insidente.

Nabatid na nagpalit ng damit ang suspek matapos gawin ang krimen saka tumakas, at nakababad pa sa timba ang puting t-shirt niyang hinubad na pinalitan niya ng itim.

Positibong kinilala ng biktima ang suspek na siyang sumaksak sa kanya nang dalhin ang huli sa ospital habang naka-confine ang biktima. Merly Iral

Previous articlePLM, West Visayas State grads nanguna sa Nov. 2023 nursing board exams
Next articleUS nanawagan sa paggamit ng nuclear power vs ‘destructive’ methane