Home NATIONWIDE OFWs sa 12 bansa ‘di kabilang sa 2025 online voting

OFWs sa 12 bansa ‘di kabilang sa 2025 online voting

MANILA, Philippines – Hindi saklaw ng internet voting sa 2025 ang mga kwalipikadong overseas Filipino sa 12 bansa dahil sa mga paghihigpit.

Sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco nitong Martes, Abril 2 na batay sa mga tala mula sa Office for Overseas Voting (OFOV), may kabuuang 17 posts o Philippine Embassies (PEs) o Philippine Consulates General (PCGs) ang apektado.

Ayon kay Laudiangco, ang 12 bansa ay kabilang ang China, Timor-Leste, Papua New Guinea, Myanmar, Turkey, Russia, Nigeria, Jordan, Lebanon, Syria, Iran at Libya.

Aniya, tinanggal na sa listahan ang PE sa Tel Aviv, Israel dahil hindi na nararapat sa internet voting ang internet restrictions sa nasabing bansa, pero ikinokonsidera pa rin ng Comelec ang iba pang mode of voting dahil sa umiiral na conflict sa Gaza Strip.

Gayunpaman, sa 12 bansang may mga internet restriction, sinabi ni Laudiangco na ang pagboto sa ibang bansa ay isasagawa pa rin sa pamamagitan ng personal na pagboto sa PE o PCG o mail/postal voting.

Ang overseas absentee voting ay magsisimula 30 araw bago magsimula ang regular na halalan ngunit magsasara nang sabay-sabay sa mga lokal na botohan.

Maaari lamang bomoto ang kwalipikadong overseas voters para sa presidente, bise-presidente, 12 senador at isang party-list group at maaari silang bomoto sa pamamagitan ng koreo o bomoto ng personal sa 92 Philippine posts, embassies at consulates kung saan sila rehistrado.

Lumalabas sa talaan ng Comelec na noong 2022 presidential elections, 1,697,215 registered overseas Filipino voters (OFVs) sa buong mundo.

Ito ay inaasahang tataas pa sa pagtatapos ng kasalukuyang voter registration sa Setyembre.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang kauna-unahang pagpapatupad ng pagboto sa internet para sa mga OFV sa 2025 ay nilayon upang mapataas ang voter turnout sa mga kababayan sa ibang bansa sa mas mababang gastos sa gobyerno.

Noong nakaraang May 9, 2022 elections, mahigit P400 milyon ang gastos ng komisyon ngunit ang voter turnout ay 39 percent lamang at mas mababa pa kaysa sa mga nakaraang halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article4 kompanya nagsumite ng bids sa Comelec sa online voting, counting system sa 2025 polls
Next article84 nasawi sa rabies ngayong 2024 – DOH