Home NATIONWIDE Omani na nasa terror watchlist napigilang pumasok ng Pinas

Omani na nasa terror watchlist napigilang pumasok ng Pinas

1
0

MANILA, Philippines – Napigilan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpasok sa bansa ng isang 49-anyos na mamamayan ng Oman na nasa watchlist ng INTERPOL at pinaghihinalaang may kaugnayan sa terorismo, bilang bahagi ng pinaigting na seguridad sa hangganan ng bansa.

Ayon sa BI, natukoy ng Advance Passenger Information System (APIS) Operations Center (APOC) noong Hulyo 10 ang INTERPOL alert laban sa naturang dayuhan, mahigit siyam na oras bago pa ito dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng eroplano mula Doha, Qatar.

Agad na nakipag-ugnayan ang APOC sa BI INTERPOL Unit upang beripikahin ang impormasyon. Matapos makumpirma ang INTERPOL notice, ipinagbigay-alam naman ito sa BI Anti-Terrorist Group (ATG) upang maisagawa ang kinakailangang operasyon.

Ginamit sa pagtukoy sa dayuhan ang UN goTravel Advance Passenger Information System (APIS), na ipinatutupad ng BI katuwang ang United Nations Office of Counter-Terrorism (UNOCT) at suportado ng pamahalaan ng Australia. Sa pamamagitan nito, nasusuri ang impormasyon ng mga pasahero laban sa mga international watchlist bago pa sila dumating sa Pilipinas.

Paglapag ng eroplano sa NAIA Terminal 3, agad na hinarang ng mga tauhan ng BI Anti-Terrorist Group sa pangunguna ni Deputy Chief Bienvenido C. Castillo III, kasama ang mga immigration officer, ang naturang pasahero at isinailalim sa imbestigasyon.

Batay sa impormasyong natanggap ng BI, pinaniniwalaang maaaring bumiyahe sa iba’t ibang bansa ang dayuhan upang makilahok sa mga gawaing terorista. Dahil dito, hindi ito pinayagang makapasok sa Pilipinas at isinailalim sa exclusion alinsunod sa umiiral na immigration laws at national security protocols.

Pinuri naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang maagap at magkakaugnay na pagkilos ng iba’t ibang yunit ng ahensya. Aniya, malaking tulong ang advance passenger screening sa maagap na pagtukoy at pagpigil sa mga indibidwal na maaaring magdulot ng banta sa pambansang seguridad bago pa man sila makarating sa teritoryo ng Pilipinas. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here