LUCENA CITY — Iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang fish kill sa bahagi ng Laguna de Bay sa Pililla, Rizal, kung saan natagpuang lumulutang ang mga patay na bighead carp at bangus noong Hulyo 21.
Sa isinagawang on-site assessment noong Miyerkules, Hulyo 22, nakita ng PCG na posibleng nagpababa sa dissolved oxygen sa tubig ang pagdami at pagkabulok ng algae, mataas na temperatura ng tubig, at limitadong hangin o pagdaloy ng tubig.
“These conditions may have reduced dissolved oxygen levels in the water, adversely affecting aquatic life,” ayon sa ulat ng Coast Guard Sub-Station sa Pililla.
Binigyang-diin ng PCG na paunang obserbasyon lamang ang mga ito at kailangan pang sumailalim sa technical evaluation ng BFAR-Rizal.
Gumamit ng drone ang joint team upang maidokumento ang mga apektadong bahagi ng lawa, matukoy ang lawak ng fish kill at makakalap ng field data hinggil sa mga kondisyong pangkapaligiran na maaaring nagdulot ng insidente.
Ayon sa mga lokal na mangingisda, unang nakita ang mga lumulutang na patay na isda sa ilang bahagi ng katubigan ng Pililla noong Hulyo 21. Karamihan sa mga naapektuhang isda ay bighead carp at bangus.
Napansin din umano ng mga mangingisda ang pagbabago sa itsura ng tubig at nagpahayag sila ng pangamba sa epekto ng fish kill sa kanilang kabuhayan.
Sinabi ng PCG na naiulat na sa Laguna Lake Development Authority ang insidente para sa monitoring at kaukulang aksyon. RNT