MANILA, Philippines – Iginiit ng Office of the Ombudsman na walang bahid ng pulitika ang planong pagsasampa ng kasong plunder laban kay Sen. Rodante Marcoleta.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, karaniwan umanong depensa ng mga opisyal na iniimbestigahan ang sabihing sila ay inuusig dahil sa pulitika, ngunit aniya, ang mga ebidensya ang magsasalita.
Dagdag niya, malinaw ang kaso dahil maging ang ilan sa mga ebidensyang ginamit ng mga imbestigador ay nagmula mismo sa mga pahayag at pag-amin ni Marcoleta.
Nakabinbin ang kasong plunder laban kina Marcoleta at dating kongresista Michael Defensor dahil sa hindi umano pagdedeklara ng P75 milyong campaign donations noong 2025 elections.
Nauna nang sinabi ni Marcoleta na hindi niya idineklara ang donasyon mula kina Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray dahil nais umano ng mga ito na manatiling anonymous. Iginiit din niya na naging personal funds ang naturang pera dahil natanggap ito bago magsimula ang opisyal na campaign period.
Pinabulaanan din ng Ombudsman ang paratang na si Marcoleta lamang ang kanilang tinututukan. Ayon kay Clavano, lalo pang lumalakas ang kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, at pinag-aaralan ding gawing state witness si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Tungkol naman sa kilos-protesta ng libu-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo na sumusuporta kay Marcoleta, sinabi ni Clavano na pareho lamang ang kanilang ipinaglalaban—ang transparency at accountability—at layunin din ng Ombudsman na panagutin ang sinumang lumabag sa batas. RNT/MDS