Home NATIONWIDE Online voting sa overseas Pinoys isinusulong ng Comelec

Online voting sa overseas Pinoys isinusulong ng Comelec

MANILA, Philippines – Itutuloy ng Commission on Elections (Comelec) ang online voting para sa 2025 National and Local Elections (NLE) sa kabila ng mga alalahanin sa legal na batayan nito.

Ito ang binigyang-diin ni Comelec Chairman George Garcia nang pinamunuan niya ang information campaign para sa overseas registration at ang paglagda ng memorandum of agreement (MOA) kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Rotary International District 3810, at Associated Marine Officers And Seamen’s Union of the Philippines.

Sa press conference, sinabi ni Garcia na ang Comelec en banc ay naglabas ng resolusyon sa online voting, na iginigiit na sa ilalim ng kasaluyang batas, hindi ipinagbabawal ng komisyon ang iba pang paraan ng pagboto.

“Ang sinabi ng batas ito yung dalawang modes muna ngayon– in person at tsaka by mail– pero ang nakalagay sa provision… ang Comelec ay pupwedeng mag-venture sa ibang modes of voting basta magre-report ka lang sa Kongreso,” sabi ni Garcia.

“So whatever the Comelec will be doing, we will be reporting to Congress on the update on the process nitong pangatlong mode ng voting,” dagdag pa ni Garcia.

Nauna nang sinabi ni Garcia na magkakaroon ng online voting sa 75 bansa para sa midterm polls sa 2025, ngunit dapat na muling magparehistro ang mga botante.

Sinabi rin ng Comelec Chairman na 17 bansa ang hindi pinapayagan ang pagboto sa internet, kabilang ang Russia, China, at Israel.

Sa mga lugar na ito, maaaring pumunta ang mga Pilipino sa mga embahada para bumoto.

Umaasa rin si Garcia na ang kanilang suporta sa internet voting ay hindi kukwestyunin sa Korte Suprema.

Sinabi ni Garcia na humigit-kumulang 200,000 hanggang 300,000 Filipino seafarers ang maaaring mawalan ng karapatang bumoto nang walang pagboto sa internet. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleXian, aminadong masakit ang magmahal!
Next articleKillua nagpositibo sa rabies – PAWS