Home NATIONWIDE Opisyal ng Malakanyang pinabulaanan ang pahayag ni VP Sara na kamag-anak niya...

Opisyal ng Malakanyang pinabulaanan ang pahayag ni VP Sara na kamag-anak niya si ACT Teachers Rep. Castro

MANILA, Philippines- Pinabulaanan ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinsan nya si ACT Teachers party-list Rep. France Castro gaya ng pinalulutang ni Vice-President Sara Duterte.

Gayunman, sakaling may kaugnayan nga siya sa mambabatas ay hindi naman siya mahihiyang maging kamag-anak ito.

Sa ulat, binatikos ni VP Sara si Rep. Castro at ang sinasabi nitong pinsan ng mambabatas na si Claire Castro para sa kanilang ‘public statements’ laban sa kanya.

“Alam niyo kasi may experience na ako sa Castro na apelido, yung si France Castro… Wala talagang maayos na lumabas doon sa bibig ng babae na ‘yon, siguro itong pinsan niya na si Claire Castro, kaya ganyan din siguro. Baka galing din sila sa isang puno,” ang sinabi ni VP Sara sa isang panayam.

Si Rep. Castro ay vocal critic ng mga Duterte at ni VP Sara sa di umano’y iregular na paggamit ng confidential funds, isang akusasyon na kasama sa mga artikulo ng impeachment na isinumite ng Kamara sa Senado noong Pebrero para sa paglilitis.

At nang hingan ng komento si Undersecretary Castro, sinabi nito na dismayado siya na nagpapakalat ng maling salaysay si VP Sara at ito nga ay ang palutangin ng huli na pinsan niya si Cong. Castro.

“Niliwanag ko na po iyan minsan, at alam ninyo po iyan, ang patungkol sa nasasabing relasyon namin ni Representative France Castro. Sinabi ko po na kami po ay hindi magkamag-anak; magkapareho lang po siguro ng surname,” ani Castro.

Hindi aniya maganda para sa Bise Presidente na magpakalat ng ‘disinformation.’

“Pero hindi ko po ikakahiya kung siya man po ay naging kamag-anak ko dahil siya po ay makabayan. Masasabi po nating makabayan, makatao rin po. Pero nagkataon lang po, hindi po kasi kami magkamag-anak,” dagdag na wika nito. Kris Jose