MANILA, Philippines – ASAHAN nang pangungunahan ni Oscar Orbos ang state-run television network People’s Television Network (PTV) bilang officer-in-charge nito.
Nangangahulugan lamang ayon kay Presidential Communications Office ad interim Secretary Jay Ruiz na papalitan ni Orbos si Toby Nebrida.
“Siya ang papalit. Nakausap na namin nung Sabado at pumayag siyang pansamantala munang mag-officer-in-charge doon as (general manager). We are just preparing the papers, titignan namin yung legalities. Pero sa ngayon pumayag na siya,” ang sinabi ni Ruiz sa isang panayam.
“Ang sabi niya lang ‘I won’t stay there for long’ kasi medyo may edad na si former Secretary Oscar Orbos,” aniya pa rin.
Pinalitan ni Orbos si Nebrida dahil sa di umano’y reklamo mula sa mga empleyado ng PTV.
“I don’t have specifics, pero okay na muna ‘yun…pero may mga empleyado, maraming nagpo-protesta doon, so we want to calm them down na asahan niyo na pagbabagong mangyayari,” ang sinabi ni Ruiz nang tanungin ukol sa reklamo.
Ang 74-year-old na si Orbos ay nagsilbi bilang executive secretary at maging transportation and communications secretary sa ilalim ng namayapa at dating Pangulong Corazon Aquino mula 1990 hanggang 1991.
Nagsilbi rin siya bilang kongresista ng unang distrito ng Pangasinan mula 1987 hanggang 1990 at bilang gobernador ng lalawigan mula 1995 hanggang 1998. Kris Jose