Home NATIONWIDE OVP, DepEd kinuwestiyon ni Hontiveros sa pag-iwas sa COA audit finding

OVP, DepEd kinuwestiyon ni Hontiveros sa pag-iwas sa COA audit finding

4
0

MANILA, Philippines – Kinuwestyon ni Senador-judge Risa Hontiveros kung bakit hiniling ng mga opisyal ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa Commission on Audit (COA) na maglabas ng audit query sa halip na Audit Observation Memorandum (AOM) kaugnay ng paggamit nila ng confidential funds.

Ito ay kahit inamin ng isang testigo na mas madali sanang sagutan ang AOM kung nasunod ang tamang proseso.

Sa pagdinig ng impeachment trial nitong Miyerkules, Setyembre 2, 2026, sinabi ni Hontiveros na nakakalito ang naturang kahilingan. Binanggit niyang inamin mismo ng testigo na kaya nilang sagutin ang AOM.

Ayon kay Hontiveros, kung maayos na nasagot ang AOM, hindi na ito hahantong sa Notice of Suspension o Notice of Disallowance.

“At sinabi ninyo na hindi tinanggap ng COA na malabo ang kanilang guidelines o guideposts. At gaya ng sabi ninyo, hindi naman mahirap sagutan ang AOM. Sa katunayan, kung ito ay nasagot nang maayos, hindi ito hahantong sa Notice of Suspension, lalong hindi sa Notice of Disallowance. Kaya nakakalito kung bakit may kahilingan, bago pa man ang AOM, na ayon sa inyo ay madaling sagutan kung kinakailangan, sa halip na magpatuloy, umatras pa at humiling muna ng audit query,” sabi ni Hontiveros.

Ipinaliwanag naman ng dating tagapagsalita ng DepEd na si Atty. Michael Poa na ang kahilingan ay hindi dahil nahirapan ang OVP o DepEd na sumagot sa AOM. Aniya, naniniwala sila na hindi malinaw na nakasaad sa guidelines ng COA kung anong impormasyon ang dapat ilagay sa “Physical and Financial Plan”. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here