Sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) ay nadakip ang isang high-value individual (HVI) na nakumpiskahan ng ₱340,000 halaga ng shabu sa Taguig City Martes ng gabi, Enero 21.
Kinilala ni SPD director PBGEN Manuel Abrugena ang nadakip na suspect na si alyas Alex, 51.
Sinabi ni Abrugena na nadakip ang suspect sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng DDEU dakong alas 7:55 ng gabi sa Barangay Central Bicutan, Taguig City.
Sa naturang operasyon ay narekober sa posesyon ng suspect ang 50 gramo ng hinihinalang shabu at ang ₱1,000 buy-bust money na nakapaibabaw sa 49 piraso ng bogus na ₱1,000 na ginamit sa operasyon, at isang Android phone.
Ang nakumpiskang ilegal na droga na gagamitin bilang ebidensya sa pagsasampa ng kaso ay dinala sa SPD Forensic Unit (SPDFU) para sumailalim sa chemical analysis habang nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DDEU-SPD. (James I. Catapusan)