Home NATIONWIDE P1.27B panukalang rehabilitasyon sa makasaysayang hydropower plants ibinasura

P1.27B panukalang rehabilitasyon sa makasaysayang hydropower plants ibinasura

2
0

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Baguio City Council ang P1.27-bilyong unsolicited public-private partnership (PPP) proposal para sa rehabilitasyon at modernisasyon ng mga makasaysayang hydroelectric power plant ng lungsod sa Tuba, Benguet.

Inaprubahan ng konseho ang desisyon bago ang itinakdang Hulyo 17 deadline ng PPP Center. Inihayag ni Vice Mayor Faustino Olowan ang pagtanggi sa panukala sa regular na sesyon ng konseho nitong Lunes, kasunod ng isang closed-door meeting kasama si Mayor Benjamin Magalong.

Ayon kay Councilor Peter Fianza, natuklasan ng Committee on Public Utilities, Transportation and Traffic Legislation na lumihis ang proyekto sa orihinal nitong saklaw dahil isinama ang mga operational component na nasa labas na ng pagmamay-ari ng Baguio at nasa hurisdiksyon na ng Tuba.

Dahil dito, sinabi ni Committee Chair Councilor Fred Bagbagen na mas nararapat umanong isumite ang panukala sa lokal na pamahalaan ng Tuba.

Nagulat naman ang mga kinatawan ng Repower Energy Development Corp., sa pangunguna ni Chief Operating Officer Johnson Sanhi Jr., sa naging pasya ng konseho.

Ayon sa kumpanya, hindi sila nabigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang umano’y hindi pagkakaunawaan kaugnay ng maliliit na pagbabago sa lokasyon ng mga pipeline at linya ng kuryente na kinakailangan dahil sa engineering constraints.

Sinabi ng Repower na ang subsidiary nitong Baguio Asin Hydro Electric Corp. ay dalawang taon nang nakikipag-ugnayan sa pamahalaang lungsod at nakakuha na ng mahahalagang permit, kabilang ang hydropower service contracts mula sa Department of Energy (DOE) matapos itong mag-apply noong 2023.

Ito na ang ikalawang malaking PPP proposal na ibinasura ng Baguio City Council. Noong nakaraang taon, tinanggihan din nito ang smart mobility project ng Metro Pacific Tollways Corp., habang binawi naman ng SM Prime Holdings ang panukala nitong modernisasyon ng Baguio City Public Market matapos umani ng pagtutol mula sa publiko.

Sa anim na unsolicited PPP proposals na isinumite sa lungsod mula noong 2019, tanging ang integrated bus terminal project ng Megawide Construction Corp. pa lamang ang naaprubahan ng konseho.

Layunin sana ng panukala ng Repower na pataasin ang generating capacity ng Asin hydroelectric plants mula 4.3 megawatts (MW) tungo sa 9.4 MW.

Gayunman, sinabi ni Fianza na maaari pa ring maghain ng motion for reconsideration ang kumpanya upang matugunan ang mga isyung itinuro ng konseho, kabilang ang pahayag ng DOE na ang hydropower service contracts na ibinigay sa Repower ay para sa mga bagong pasilidad at hindi para sa rehabilitasyon ng tatlong Asin hydropower plants na itinayo mula 1921 hanggang 1936.

Nananatiling hindi operational ang mga naturang planta mula pa noong 2012 matapos ipatupad ang mga bagong regulasyon sa sektor ng enerhiya na nag-aatas sa Baguio na kumuha ng panibagong permit bago muling mapatakbo ang mga ito.

Idinagdag pa ni Fianza na nagsagawa rin ang lungsod ng imbentaryo sa mga may-ari ng lupang nakapaligid sa mga planta matapos magpahayag ng pangamba ang ilang katutubong residente ng Tuba hinggil sa usapin ng lupa at karapatan sa tubig. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here